Simulan nang kilatisin ang mga kandidato
Tapos nang mag-file ng pagkandidato sa Halalan 2025. Ngayon pa lang kilatisin na natin ang mga ito:
Sino ang mga karapat-dapat na senador, kongresista, gobernador, mayor, mga bise, board members, at konsehal.
Ibig-sabihin ng “karapat-dapat”: Malinis, hindi kurakot. Marangal, hindi bibilhin ang boto natin. Matapat, tutuparin ang pangako ibis na talikuran ito.
Iwaksi natin ang mga maling pamantayan: Malapit sa atin, iboboto natin dahil kapitbahay, kaibigan, kaanak—maski maitim ang buto. Mabarkada, nagpapadala tayo sa pagpapainom at pulutan niya, o sa mga kuwentong kutsero o nakakatawa. Makikiuso, iboboto natin dahil sikat o siya ang pinili ng mga kakilala natin.
Pitong buwan ang panahon sa pagkilatis: apat mula ngayon hanggang kampanya simula Pebrero. Tapos, mismong kampanya sa Pebrero hanggang Mayo.
Sapat ‘yan para panoorin, pakinggan, basahin ang mga boladas ng mga kandidato. Ihiwalay ang palay sa bigas, ika nga.
Mayroong may karanasan sa posisyon. Gumawa ba siya ng matino, nanindigan sa mabibigat na isyu, namuno sa mga programa? O sumabay lang sa agos, nanatili sa aircon na opisina, namigay ng ayuda na may pangalan niya sa pakete nu’ng sakuna?
Mayroong baguhan sa politika. Dating negosyante, propesor, pinuno ng Jaycees o Lions Club. Lider manggagawa, magbubukid, o kababaihan. Napatunayang sinsero at masipag.
Kung galing sa political dynasty ang kandidato, malamang makasarili ito. Walang gagawing matino para sa madla.
***
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest