Isang ginang sa Mansfield, England ang nagulat nang malaman na ang kanyang pangalan at litrato ay inilathala ng isang online newspaper sa obituary section nito!
Umaga ng September 24, nakatanggap ng sunud-sunod na tawag sa kanyang cell phone ang 39-anyos na ginang na si Faye Finaro mula sa kanyang mga kamag-anak at malalapit na kaibigan.
Sa dami ng tumawag sa kanya ay iisa lang ang gustong malaman ng mga ito mula sa kanya: Ito ay kung buhay pa ba siya. Sa una ay hindi maunawaan ni Finaro kung anong nangyayari pero nang padalhan siya ng isang kaibigan ng website link sa isang online newspaper na “The Mansfield Chad”, nalaman niya na nasa obituwaryo ang kanyang pangalan at litrato.
Ayon sa naturang kaibigan ni Finaro, sine-search niya online ang pangalan ng kaibigan para magbasa ng balita tungkol sa natanggap nitong award kamakailan nang magulat siya na nasa obituary page na ito.
Sa naturang website, makikita sa “Legacy” o ang obituary section ng pahayagan ang malaking pangalan at litrato ni Finaro. Mayroon pa itong option kung saan maaaring padalhan ng bulaklak si Finaro bilang pakikiramay.
Upang matigil na ang pagtawag sa kanya ng mga kakilala, nag-post si Finaro sa kanyang Facebook account upang pabulaanan ang obituwaryo. Ang sumunod niyang ginawa ay nag-email siya sa naturang pahayagan para ipaalis ang maling impormasyon na nakalathala sa kanilang website.
Mabilis tumugon ang The Mansfield Chad sa email ni Finaro. Humingi ito ng paumanhin at agad tinanggal ang kanilang pagkakamali. Napag-alaman na kaya nalathala ang pangalan ni Finaro sa obituwaryo ay dahil nagkaroon ng error ang website.
Noong 2022, nagpa-press release ang mga malapit na kaibigan ni Finaro sa The Mansfield Chad para i-congratulate ito sa kanyang bagong bukas na business. Kalakip ng mensahe ng pagbati ay ang litrato ni Finaro. Dahil sa naganap na website error, ang lumang file na ginamit para sa congratulatory message kay Finaro ay napunta sa obituwaryo.
Sa kasalukuyan, na-take down na ng The Mansfield Chad ang maling obituwaryo. Ayon kay Finaro, pabiro nitong sinabi na may screenshot pa siya nito bilang remembrance sa araw ng kanyang “pagkamatay”.