IN high spirits si ex-CIDG director Maj. Gen. Leo “Paco” Francisco nang ipasa niya ang timon ng kanyang opisina kay Brig. Gen. Nicolas Torre lll noong Huwebes. Kaya lang, marami ang nahilo kung bakit na-relieve si Francisco. Kasi nga, sa sandamakmak na accomplishments ni Francisco, siya na lang ang masasabi ng mga kosa ko na “bright spot” sa PNP sa ngayon. ‘Ika nga, si Francisco ang itinuturo na makakaahon sa pagkasadsad ng imahe ng PNP bunga sa pagkasangkot ng mga pulis sa iba’t ibang kaso. Anyare, PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil Sir? Me indulto si Francisco? At ang masama pa, si Francisco ay itinapon sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) o naka-floating status. Kaybilis mabura ang pogi points o kumikinang na pangalan ni Francisco ‘no mga kosa?
Kahapon naman, kumalat ang Marites na si Francisco ay inilipat sa Civil Security Group (CGS), na mababakante bunga sa itataas ang director nito na si Maj. Gen. Edgar Allan Okubo sa Command Group. Promotion o demotion? Subalit kung tutuusin, halos parehas lang ang puwesto dahil 2-star rank din ito. Ang nakakalungkot lang, walang aksiyon sa CSG di tulad ng sa CIDG. Magpapalaki ng tiyan n’ya si Francisco sa CSG? Noong sunud-sunod ang accomplishments niya, umugong na shoo-in si Francisco na uupo sa NCRPO kapag umakyat sa Command Group si Maj. Gen. Jose Melencio “Tateng’ Nartatez. Naaresto o sumuko lang si Kingdom of Jesus Christ Pastor Apollo Quiboloy kay Torre, naisantabi na si Francisco?
Sa turnover of command, pinasalamatan ni Francisco ang CIDG officials at rank-and-file bunga sa suporta at magandang samahan tungo sa tagumpay ng kanilang pakikibaka vs kriminalidad at iba pang salot sa lipunan. “Your unwavering commitment to justice, your relentless pursuit of truth, and your unyielding professionalism have truly been a foundation of CIDGs success during my tenure,” ani Francisco. “Together, we have taken on some of the most complex and demanding cases in the country showing that when we work as one, we can achieve extraordinary results,” ang dagdag pa ni incoming CSG director. “It has been my distinct privilege to lead such an outstanding group of individuals and I am immensely proud of the positive impact we have made,” ang giit pa ni Francisco.
Inisa-isa din ni Francisco ang kanyang accomplishments mula ng maupo s’ya sa CIDG noong Mayo, kabilang na dito ang pag-raid sa POGO sa Porac, Pampanga kung saan natuklasan nila ang torture chamber at na-rescue ang maraming workers. Aniya na-dismantle din nila ang smuggling syndicates-tulad ng sigarilyo at liquefied petroleum gas. Inaresto ng CIDG ang 5,226 suspects at narekuber ang 707 baril at nakumpiska ang P441 milyon na ebidensiya at pagsampa ng 916 na kaso. Marami ring wanted persons ang nadale ng CIDG. Lilisanin ni Francisco ang CIDG na may high standard of excellence, di ba mga kosa?
Alam naman ni Torre na may malaking sapatos siyang pupunuan bunga sa accomplishments ni Francisco. Kaya hinimok n’ya ang nakatipong opisyal na suportahan din ang kanyang liderato para lalong bumandera pa ang CIDG. Dipugaaa! Abangan!