HUMINGI na ng tawad si Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) senior vice president Raul Villanueva sa mga dating hepe ng PNP sa kanyang ipinahayag na may dating hepe ng PNP ang tumulong kay dating Bamban, Tarlac mayor Alice Guo na makatakas ng bansa sa kasagsagan ng imbestigasyon hinggil sa mga iligal na POGO.
Sa pagtatanong ni Sen. Bato dela Rosa na dati ring hepe ng PNP, inamin ni Villanueva na usap-usapan lang daw ang kanyang narinig at walang ebidensiya para patunayan ang kanyang ipinahayag. Dapat daw nagsigawa ng masuring pagkalap ng intelligence bago nagpahayag.
Bagama’t hindi ikinatuwa ni PNP chief Rommel Marbil ang mga ipinahayag ni Villanueva, iniimbestigahan pa rin nila ang 24 na dating hepe ng PNP kung sangkot nga sa mga iligal na POGO.
May ipinakita namang litrato si Sen. Risa Hontiveros kung saan kasama ni dating PNP chief General Benjamin Acorda Jr. si Tony Yang at dalawa pa. Si Tony Yang ang matandang kapatid ni Michael Yang, dating economic adviser ni dating President Rodrigo Duterte. Nasaktan daw si Acorda sa mga innuendos na may kinalaman siya sa POGO o kay Guo.
Inamin naman ni Tony Yang na ginamit din niya ang pangalang Antonio Maestrado Lim habang ang totoong pangalan ay Yang Jian Xin. Minsan Antonio Lim lang siya. Hindi raw makapagsalita masyado ng Ingles, Bisaya o Pilipino kaya may interpreter pa sa Senado dahil mas kumportable magsalita ng Mandarin.
Inaming peke rin ang kanyang birth certificate na ginawa para makapagtayo ng negosyo sa Pilipinas. Pero noong 1998 pa nasa Pilipinas, hindi marunong makaintindi ng Tagalog o Bisaya bagama’t palaging nasa Cagayan de Oro? Parang mahirap yatang paniwalaan iyan.
May pinangalanang “most guilty” si Guo sa ginawang executive session. Hindi pa sinasabi ni Hontiveros kung sino pero tila hindi pa rin siya lubusang kuntento sa mga pahayag ni Guo. Malalaman na lang natin sa mga darating na araw kung sino ang taong iyan dahil bibigyan pa rin ng Senado ng pagkakataong magpaliwanag o pabulaanan ang mga pahayag ni Guo.
Tumatagal na talaga ang isyung ito at mukhang lumalalim na ang hukay sa mga sangkot. Kung may mga sapat na ebidensiya ay dapat kasuhan na ang mga may sala. Ito nga ang gagawin ng DOJ kay Tony Yang bago pag-usapan ang deportasyon dahil peke nga ang pagiging Pilipino pati na ang kanyang tunay na pagkakakilanlan.