SINAMPAHAN ng Office of the Ombudsman ng kasong graft si Benguet Vice Governor Ericson Felipe dahil sa kawalang delikadesa umano nito nang tumanggap nang maraming government work project para sa construction firm na Tagel Corporation na pag-aari niya.
Ayon sa Task Force Kasanag (TFK), nilabag ni Felipe ang Republic Act 3019 and 6713 (Anti-Graft at Ethical Standards of Government Officials) sapagkat 60 percent ang kanyang stake sa Tagel Corp. Ginamit niya ang posisyon upang ma-corner ang maraming government project.
Nakuha ng kompanya ni Felipe ang 30 government projects mula 2022-2023 na umaabot sa P1.35 billion.
Hindi kaya naisip ni Felipe na conflict of interest ang pagsali ng kanyang kompanya sa mga government contract?
Sabi ng TFK, ang pagsasampa ng kaso kay Felipe ay nararapat para pangalagaan ang publiko, partikular ang mga taga-Benguet, sa korapsyon at pang-aabuso. Naniniwala ang TFK na kailangang magpaliwanag si Felipe.
Maaaring ipagkibit-balikat lamang ni Felipe ang kaso at sasabihing pamumulitika dahil malapit na ang paghahain ng kandidatura para sa 2025 elections. Tatakbo si Felipe bilang kongresista.
Subalit naniniwala ang mga taga-Benguet na kailangang mapanagot ang opisyal sa pang-aabusong nagawa upang hindi na pamarisan.
* * *
Para sa reaksiyon, i-send sa: art.dumlao@gmail.com