Marami ang hindi nakaaalam na ang simpleng pagpisa o pagtiris ng tagihawat sa mukha lalo na sa may bahaging ilong ay maaaring maging sanhi ng pagkamatay ng isang tao.
Bihira lang itong mangyari pero posible pa rin.
Ang artikulo ko ngayon ay base sa pagsasaliksik ni Ourlad Tantengco at mga dalubhasang dermatologists.
Madalas na nakararanas ng paglabas ng tagihawat ang mga teenager at kadalasang pinuproblema kung paano ito mawawala.
Isang masamang kaugalian ang pagtiris ng mga tagihawat lalo na kung mayroon na itong mga nana.
Ayon sa dermatologists, dapat iwasan ang pagtiris sa tagihawat lalo na kung marumi ang mga kamay kapag hinawakan ang mga ito.
Hindi lang mag-iiwan ng peklat ang mga pinipisang mga tagihawat, maaari rin itong pagmulan ng impeksiyon na maaaring kumalat sa dugo papunta sa utak.
Dahil ang ilong ay nasa “danger triangle”, posibleng mapunta ang mikrobyo sa utak at magdulot ng impeksyon doon.
Kapag marumi ang kamay at pinisa ang tagihawat, maaaring pumasok ang mikrobyo mula sa kamay at dahil ang ugat sa mukha ay dumidiretso sa utak, maaaring magdulot ng impeksyon sa utak.
Kapag hindi ito naagapan, maaaring makaranas ng pamamanhid ng katawan, pagkawala ng paningin at pagkamatay.
Kadalasang makararanas ng sobrang sakit ng ulo, mataas na lagnat, pamamanhid ng mukha at labis na pagkapagod.
Kapag nakaranas ng mga ito matapos tirisin o putukin ang tagihawat sa mukha lalo na sa bandang ilong at itaas na labi, kumunsulta agad sa doktor.
Muli, ipinapayo ko na huwag tirisin ang tagihawat. Hayaan na lang ito na gumaling. Mag-ingat lalo ang kabataan.