PENTATONIC ang musika ng mga Asyano. Ibig-sabihin limang nota lang: C, D, E, G, A. Diyan natatangi ang awitin at tugtugin sa India, China, Japan, at mga kapit-bansang naimpluwensiyahan nila.
Octatonic ang musikang Kanluranin. Walo ang nota: C#, E, G, Bb, C, Eb, F#, A.
Pamilyar ang modernong Pilipino sa octatonic scale dahil sa impluwensiya ng Kastila at Amerikano. Pero ang sinaunang musika ng mga katutubo sa ating kapuluan ay pentatonic. ‘Yon ay dahil impluwensiyado ng India ang mga ninunong Indonesian at Malay.
Pero saan sumibol ang musika? Bakit lahat ng kultura, luma o modern, ay may awit at tugtog?
Sinasabing sa Africa sumibol ang unang tao: Homo sapiens. Teorya ni naturalist-geologist-biologist Charles Darwin na inimbento nila ang musika para sa panliligaw at pangangaribal.
Nabuo ni Darwin ang Theory of Evolution matapos pag-aralan ang mga hayop sa South America. Minasdan niya ang gawi ng mga ibon, musang at balyena. Pare-parehong nagmumusika sa panliligaw at pakikiaway.
Iba ang pananaw ng mga kapwa siyentipiko ni Darwin nu’ng dekada-1870s. Iginiit noon ni William James na nagkataon lang nilikha ang musika dahil sa katangian ng utak ng tao. Produkto raw ito ng nervous system.
Patuloy ang debate hanggang ngayon. May nagtutulad ng musika sa pagsasalita, imbensiyong pangkultura na hindi lang sa panliligaw o labanan, at walang kinalaman sa bata o matanda, malakas o mahina.
Tiyak teknolohiya ang lulutas sa misteryong ito. Maipapaliwanag din kung bakit masarap sumayaw sa saliw ng musika.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).