Proteksyon sa mga karaniwang kawani Ikaw at ang batas
Ano ba talaga ang sukatan para patunayan na may relasyon bilang tauhan at amo? Ito ang sasagutin sa kaso nina Dado, Waldo at Cardo na nagtatrabaho sa rubber plantation na pag-aari ng mag-asawang Manuel at Martha.
Sina Dado, Waldo at Cardo ay nagtatrabaho sa plantasyon na taniman ng rubber tree. Ang trabaho nila ay kumuha ng dagta mula sa mga puno at ipunin sa maliliit na lalagyan ang kanilang nakuha hanggang sa maisalin sa mas malaking lalagyan. Bandang huli, iniutos ng mag-asawa na huminto na sila sa pagtatrabaho.
Kaya napilitang magreklamo sina Waldo, Dado at Cardo para sa kanilang pagkakasibak sa trabaho pati humingi ng separation pay, kulang ang bayad nila sa suweldo, iba pang benepisyong naaayon sa batas, danyos pati bayad sa abogado.
Noong una ay ibinasura ng Labor Arbiter ang reklamo ng tatlo dahil wala raw silang relasyon bilang mag-amo. Ang umiiral daw nilang relasyon ay bilang may-ari ng lupa at tenant hindi bilang empleyado at amo. Ang desisyon na ito ay binaliktad ng NLRC at ibinalik ang kaso sa Executive Labor Arbiter para muling litisin.
Tutol ang grupo ni Waldo at inakyat ang petisyon sa Court of Appeals. Pero hinusgahan ng CA ang kaso imbes na gumawa lang ng hatol sa tamang proseso na dapat sundin ng magkabilang panig. Kaya lang, ayon sa CA, kulang ang ebidensiya nina Waldo para patunayan na tauhan nga sila at may relasyon sila sa mag-asawa bilang mga empleyado nito kaya bandang huli ay ibinasura rin ang kaso ng illegal dismissal.
Pero pagdating sa Supreme Court ay iba ang nangyari. Tama raw ang ginawang paglalabas ng hatol ng CA sa kaso pero mali raw ang deklarasyon nito na walang relasyon ang magkabilang panig bilang mag-amo.
Kapag daw kasi ginamit ang tinatawag na four-fold test na sukatan sa batas, may mga pamantayan na dapat sundin tulad ng (1) kapangyarihan na tanggapin sa trabaho, (2) pagbabayad ng suweldo, (3) kapangyarihan na tanggalin sa trabaho, at (4) kapangyarihan sa kontrol ng trabaho na ang huli ang pinakamahalaga.
Nagsumite ang grupo ni Waldo ng testimonya ng mga kapwa niya katrabaho na (1) inuutusan sila na pumasok sa takdang oras at araw, (2) sila ay binabayaran kada araw base sa tinakdang pamantayan, (3) nagtatrabaho sila sa ilalim ng pamamahala ng asawa nito, at (4) puwede silang sibakin sa trabaho dahil sa paglabag sa mga utos ng mag-asawa. Ang mas mainam din na sukatan ay ang tinatawag na (a) kapangyarihan ng pagdisiplina at pagdidikta ng kanilang mga amo kung paano gagawin ang trabaho pati (b) ang sinasabing economic realities o ang katotohanan na ang mga amo ang mas nakakaangat sa kanilang sitwasyon.
Base sa mga sukatan na ito, totoong hawak ng mag-asawa ang kontrol o kapangyarihan sa grupo nila Waldo.
Isa pa, kapag ang ebidensiya sa pagitan ng empleyado at amo ay pantay, dapat na mas pabor tayo sa mga manggagawa (PNB vs. Bulatao, GR 200972, December 11, 2019). Ito ang ating sinusunod base sa konsepto ng social justice kung saan mas binibigyan ng proteksyon ang mga karaniwang kawani.
Ang desisyon ng CA ay dapat baliktarin at isantabi. Ang grupo ni Waldo ay dapat ibalik sa trabaho at ang kanilang mga benepisyo tulad ng backwages ay dapat na bayaran mula tanggalin sila sa trabaho hanggang tuluyan na maging pinal ang desisyon (Wahing et. al. vs. Spouses Daguio, G.R. 219755, April 18, 2022).
- Latest