Pulis na nasawi matapos barilin ng sinitang tinedyer, pinarangalan ng PNP
MANILA, Philippines — Pinarangalan ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil ang isang pulis na nasawi habang tinutupad ang kanyang tungkulin.
Magugunita na nabaril ang biktimang si Police Staff Sgt. Orvin Seth Lim Felicio, ng isang menor de edad na binatilyo na sinita nito dahil sa paglabag sa curfew nitong Hulyo 27 sa Oakridge Barangay Banilad sa Mandaue City.
Kahapon ay personal na binisita ni Marbil ang burol ng nasawing pulis at kinilala ang kadakilaan nito sa pamamagitan ng pagbibigay ng phostomous award na medalya ng kadakilaan dahil sa sakripisyo at pagbubuwis ng buhay sa pagtupad ng tungkulin.
Sa pagbisita sa burol ng nasawing pulis, personal itong nakiramay sa pamilya, nauna na rin ipinaabot ni Marbil ang financial aid sa pamilya ng nasawing pulis sa pamamagitan ng Public Safety Mutual Benefit Fund Incorporated (PSMBFI) ng Police Regional Office 7.
Bukod dito ay tatanggap pa ang pamilya ni Police Staff Sgt Felicio ng karagdagang benepisyo mula sa Armed Forces of the Philippines Savings and Loan Association, Inc. (AFPSLAI), Public Safety Savings and Loan Association, Inc. (PSSLAI), at sa National Police Commission (NAPOLCOM).
Ang suspek na tinedyer ay naaresto din makalipas ang ilang oras at nasa kustodiya ng Department of Social Welfare and Development sa Mandaue City.
- Latest