ISANG 49-anyos na mananahi sa Vietnam ang nagsasabing 30 taon na siyang hindi natutulog!
Kilala sa tawag na “The Seamstress Who Never Sleeps” ang mananahi na si Nguyen Ngoc My Kim sa kanilang lugar sa Long An province dahil sa reputasyon nito na lagi lang siyang nagtatahi ng damit at kahit kailan ay walang nakakakitang tulog ito.
Sa tuwing dadayuhin siya ng media para ma-feature sa mga palabas sa telebisyon, kinukumpirma nito na matagal na siyang walang tulog. Sa recent interview kay Kim, sinabi nito na simula pa pagkabata ay nakondisyon na niya ang sarili na huwag matulog.
Nasa elementarya siya noon nang nahilig siyang magpuyat dahil sa pagbabasa ng mga komiks at libro. Nang magsimula siyang magtrabaho bilang mananahi, doon nagsimula ang kanyang matinding pagpupuyat sa takot na hindi niya matapos ang mga damit na kailangan niyang tahiin.
Disinuwebe anyos noon si Kim nang gabi-gabi siyang walang tulog dahil sa mabigat na trabaho hanggang sa mapansin niyang nawalan na siya abilidad matulog kahit gustuhin niyang matulog. Naging advantage naman ito para sa kanya dahil natatapos niya nang maaga ang kanyang mga tinatahing damit.
Sa tatlong dekada na pagiging tanyag ni Kim sa pagiging mananahi na walang tulog, hanggang sa ngayon ay hindi pa medically verified kung totoo ito. Ang tanging pruweba lamang ng mga tao sa kanyang paligid ay wala ni isa sa kanila na nakikitang tulog si Kim.
Karamihan sa kanyang mga malalapit na kakilala ay nagsasabing laging bukas ang ilaw sa sewing stall ni Kim at kapag pumasok dito, makikitang wala itong tigil sa pagtatahi ng damit.
Nag-viral sa social media ang tungkol dito kaya kahit mga hindi niya kakilala at mga taga malayong lugar ay dinarayo si Kim sa kanyang stall kahit dis-oras ng gabi at napapatunayan nila na gising ito at walang ginagawa kundi magtahi.
Hindi ito ang unang kaso ng isang Vietnamese na walang tulog sa mahabang panahon. Napabalita na dati ang tungkol kay Tran Thi Luu kung saan isang dekada na ito diumanong walang tulog.
Ayon sa doktor na tumingin dito, mayroon itong severe insomnia na tuwing makakatulog ito ay sobrang mababaw lamang ang tulog nito kung saan dinig niya lahat ng ingay at dama niya ang mga pagkilos sa kanyang paligid kaya may pag-aakala siya na gising pa siya.