Flight stewardess, 16 na oras hinawakan ang nasirang pintuan ng cr ng eroplano!
Isang flight stewardess ng eroplanong may biyaheng Hong Kong to New York ang 16 na oras hinawakan ang natanggal na pintuan ng comfort room ng eroplano!
Nag-viral kamakailan ang litrato ng flight stewardess ng Cathay Pacific kung saan makikitang hawak niya ang sirang pintuan ng eroplano. Ayon sa report, tatlong minuto pa lang matapos mag-take off ang flight CX840 sa Hong Kong International Airport nang biglang kumalas ang bisagra ng pintuan ng CR.
Sa ibang mga kumalat na litrato, makikita na pinagtulung-tulungan pang ayusin ng mga cabin crew ang pintuan pero hindi na nila magawang maikabit ito. Hindi malinaw kung may gumagamit ng CR habang natanggal ito at wala rin makapagsabi kung bakit ito nasira.
Dahil bigong maikabit ang pinto, nagpasya ang mga cabin crew na hawakan na lang ito ng isa sa kanila upang hindi ito gumalaw. Delikado kasing makasira at makasakit ito sa mga pasahero sa oras ng turbulence at pag-landing nila sa New York.
Makikita sa litrato na isang babaing cabin crew ang nakabantay at nakahawak sa sirang pintuan habang nakaupo sa kanyang upuan.
Sa kabila ng insidenteng ito, safe na naka-landing ang flight CX840 sa JFK Airport sa New York at walang napabalitang naging sanhi ng problema ang sirang pintuan.
Ayon sa nilabas na statement ng naturang airline, naayos na ang sirang pintuan at pina-iimbestigahan nila sa engineering team ang sanhi ng pagkasira nito. Humingi rin sila ng paumanhin sa mga pasaherong naapektuhan nito.
- Latest