Nagtago o tumakas?
HINDI pa rin nagpapakita si Alice Guo o Guo Hua Ping o ano pa bang pangalan na ginagamit ng taong iyan sa Senado. May arrest warrant na nga sa kanya dahil sa hindi pagsipot. Siguro alam na bistado na ang lahat ng kasinungalingan niya.
Naglabasan na nga ang mga ebidensiya at dokumento para patunayan na may iba pa siyang pangalan maliban sa Alice Guo. May litrato pa nga noong bata siya at nag-aaral sa Grace Christian High School. Sa totoo nga, naaalala siya ng kanyang mga kaklase.
Kumpirmado na rin ng NBI na si Alice Guo at Guo Hua Ping ay iisang tao lamang batay sa fingerprints. Hindi puwedeng magkaibang tao ang magkaparehong fingerprints. Kaya siguro tumigil sa pagpunta sa Senado dahil hindi na niya maipaliliwanag ang lahat na iyan.
Tumakbo siya sa Korte Suprema at hiniling na itigil na ng Senado ang pagtawag sa kanya, pati na ang pagbawi ng warrant of arrest. At bakit naman gagawin iyon kung nasiwalat na nga ang kanyang tunay na pagkakakilanlan at kasinungalingan?
Ngayon, may pangamba si Sen. Sherwin Gatchalian na baka nakalabas na ng bansa gamit ang Chinese passport. Maaaring dalawa ang kanyang passport dahil dalawa nga ang kanyang pagkakilanlan. Iginiit naman ng abogado ni Guo na nasa bansa pa siya.
Hindi ko naman maintindihan kung bakit hindi kaagad ipinaalam ng Senado sa Bureau of Immigration at maglabas na ng watchlist o hold departure order kung puwede nga siyang tumakas pabalik ng China.
Ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) may 402 iligal na POGO sa buong bansa. Sila ang may impormasyon sa lokasyon at operasyon ng mga ito.
Karamihan ay mga POGO na kanselado na ang lisensiya. Hindi na siguro nakapagtataka kung bakit laganap ang iligal na POGO sa buong bansa. Kailangan lang tumingin sa Bamban, Tarlac.
Imposibleng hindi alam ni Mayor Alice Guo ang operasyon ng POGO sa tabi lang ng kanyang munisipyo. Kung saan man ang lokasyon ng mga iligal na POGO na iyan, kailangang magpaliwanag o panagutan ng LGU.
Alam ng mga taga-mainland China na madaling magtayo at magpatakbo ng kahit anong iligal sa Pilipinas, kasi nga lahat puwedeng mabayaran. Kaya dapat ipagbawal na ang lahat ng POGO, wala nang dahilan-dahilan pa.
- Latest