Natagpuan na ang mga bangkay nina Geneva Lopez at kasintahang Israeli na si Yitshak Cohen sa Capas, Tarlac noong Sabado ng umaga. Dalawang linggo na silang nawawala. Ayon sa imbestigasyon, magkikita ang dalawa at isang broker dahil nais bumili ng 20.5 ektaryang lupa sa Armenia, Tarlac. Dito na sila nawala. Nahuli naman ng CIDG ang mga “persons of interest” na maaaring may kinalaman sa pagpaslang sa dalawa.
Dalawang dating pulis, isang broker at isa pa ang hawak na ng CIDG. Natagpuan din sa kanilang sasakyan ang ilang baril, bala at granada. Sa ngayon kakasuhan sila ng paglabag sa RA 10591 kaugnay sa mga natagpuang baril. Hindi pa sila tinuturing suspek sa pagpatay. Maaaring naghahanap pa ng ebidensiya.
Unang natagpuan ang sunog na sasakyan ng dalawa sa Capas, Tarlac. Ayon naman sa kapatid ni Cohen, makikipagkita ang dalawa sa broker para kunin na ang titulo ng nasabing lupa dahil ilang taon na raw bayad ito. Mukhang naglalabasan na nga ang mga detalye kaugnay sa karumal-dumal na krimeng ito. Dapat maimbestigahan nang husto ang mga hawak na nilang persons of interest. Dalawang dating pulis ang hawak nila? Parang hindi na ako nagtataka.
Dapat malaman ang may-ari ng lupa, kung bayad na nga talaga at suriin nang husto ang naging broker ng bentahan, kung natuloy nga. Alam na magkikita sa broker nang mawala na sila. Sinunog pa ang sasakyan para hindi mahanap. Planado ang krimeng ito, hindi basta nangyari lamang. Kaya mas mabigat ang parusa para sa mga salarin.
May mga halimaw tayong kapiling. Mga walang mabuting buto sa katawan. Dapat magkaroon ng resulta ang imbestigasyon ng CIDG.
Naalala ko tuloy ang ilang mga kilalang krimen na katulad nito. Ang pagkidnap at pagpatay sa dalawang UP-Los Baños students kung saan ginahasa pa ang babae bago pinatay. Nakakulong naman ang mga salarin. Ang pagkawala ng Batangas beauty queen na si Catherine Camilon na hanggang ngayon ay hindi pa natatagpuan. Ang pulis na pangunahing suspek ay malaya dahil ibinasura ang kaso laban sa kanya. Mapapailing ka talaga.
Sana naman maging maayos ang imbestigasyon sa kaso ni Lopez at Cohen para hindi mabasura muli dahil “kulang sa ebidensiya.” Wala talagang laban ang mga inosenteng tao sa mga halimaw.