^

PSN Opinyon

Hong Kong: OFW na sabit sa money laundering dumarami?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Lubhang kumplikado ang sitwasyon ng mga domestic helper na Pilipina sa Hong Kong na nakakasuhan at nakukulong dahil sa mga kaso ng money laundering na isang mabigat na krimen sa naturang rehiyon ng China. Ibinebenta nila ang kanilang bank account, ATM card at Hong Kong ID sa kakarampot na halaga sa mga money laundering syndicate na gumagamit sa kanilang bank account sa pagtatago ng mga perang nakukulimbat ng sindikato sa masama at iligal na paraan.

Walang kaukulang datos kung ilan na ang kabuuang bilang ng mga overseas Filipina worker na nagtatrabaho bilang domestic worker sa Hong Kong ang nabibiktima ng mga money laundering syndicate. Sana natututukan din ito ng Department of Migrant Workers kahit napakarami na nitong mga kinakaharap na usapin hinggil sa mga OFW. Kung paano masasaklolohan ang mga OFW na nakulong dahil sa money laundering ay isang bagay marahil kailangang pag-aralan ng mga kinauukulan.

Sa pangkalahatan, mga dayuhang katulong sa bahay sa Hong Kong tulad ng mga domestic helper na Pilipina ang nililinlang at ginagamit ng mga money laundering syndicate sa kanilang kriminal na gawain.

At tila dumarami ang mga Filipina DH na naaaresto, nakakasuhan at nakukulong dahil sa pagkakasangkot sa money laundering sa nagdaang ilang taon sa Hong Kong kung pagbabatayan ang mga ulat na lumalabas sa ilang media outlet doon.

Sinabi ni Cynthia Ca Abdon-Tellez, director ng Mission for Filipino Migrant Workers sa Hong Kong, sa isang ulat sa South China Morning Post, na kokonti lang ang mga kaso ng domestic helper na pumayag na magamit ang kanilang mga bank account sa mga krimen na nakarating sa kanilang tanggapan noong 2022 pero merong 20 noong 2021. Pagtataya lang anya ito dahil me-rong ilang biktima na dahil napapahiya sa kanilang kinasangkutan ay hindi na humihingi ng tulong.

Isang tagapagsalita ng Asian Migrants Coordinating Body na si Eman Villanueva ang nagsabi sa SCMP na dumami ang mga kaso ng mga Filipino DH na nasasangkot sa money laundering sa nagdaang dalawang taon dahil sa problema sa pera, mga utang,  lalo na sa pangangailangan ng kanilang pamilya sa Pilipinas. Dahil dito, natutukso silang magbukas ng mga bank account na ipinapagamit sa mga kriminal para sa money laundering. Nagpapalubha sa sitwasyon ang kawalan ng kaalaman ng maraming domestic worker sa mga batas hinggil sa money laundering at sa implikasyon ng pagpapagamit ng kanilang mga bank account at ATM card sa ibang mga tao lalo na sa mga money laundering syndicate.

Noon lang Hunyo 6, 2024 batay sa ulat ng Sun HK, isang 41 anyos na Pinay DH na si Maureen Joy L. Romero ang kinasuhan sa Tuen Mun court sa Hong Kong  dahil sa $2.3 milyong pumasok sa kanyang bank account sa loob lang ng 10 araw noong Marso ng taong ito.

Noong Hunyo 4, 2024, hinatulan ng Kowloon City Court ng tatlong buwang pagkakulong ang 38 anyos na DH na Pilipinang si Susan Baral makaraang umamin siya sa kasong money laundering dahil sa mga deposit at withdrawal na $22,000 sa kanyang bank account noong 2019 at  2020 na ipinagamit niya sa mga money laundering syndicate.

Ayon nga kay Inspector Wu Hoi-ling ng Cyber Security and Technology Crime Bureau sa isang ulat ng Dimsun Daily na dahil napakaliit ng kanilang sahod at hindi pamilyar sa mga lokal na batas sa Hong Kong, ang mga dayuhang domestic worker na tulad ng mga Pinay DH ay nagiging target ng mga money laundering syndicate.  Ang mga domestic helper na ito ay binabayaran ng mga sindikato ng HK$1,800 hanggang HK$2,500 para magbukas ng bank account sa pamamagitan ng mobile apps na gagamitin naman ng mga kriminal sa mga iligal na aktibidad.

Nagagamit din ng mga sindikato ang social media para makontak at magamit sa kanilang operasyon ang nabibiktima nilang mga Pinay DH.

Sa ulat ng Dimsun Daily, kinabibilangan ng mga dayuhang domestic helper mula sa Indonesia at Pilipinas ang 67 katao na inaresto ng pulisya sa Hong Kong noong huling linggo ng Mayo dahil sa money laundering.

Dalawang Pinay DH na sina Leonida C. Manlunas, 40, at Nora A. Reymundo, 47, ang napatunayan ng Hong Kong Eastern Magistrate na nagkasala ng money laundering  at hinatulang makulong, batay sa ulat ng Sun HK noong Mayo 31.

Nakasuhan si Manlunas dahil sa $387,000 na itinago ng money laundering syndicate sa kanyang bank account noong Disyembre 18, 2020 at Enero 8, 2021.  Tumanggap siya ng $1,600 para sa pagbubukas ng bank account.  Umabot naman sa kabuuang $903,000 ang pumasok sa bank account ni Reymundo sa pagitan ng Pebrero 10, 2021 at Marso 4, 2021. Binayaran siya ng $500 nang isurender niya ang kanyang ATM card sa isang lalake noong araw nabuksan niya ang account. Lahat ng perang  pumasok sa kani-kanilang bank account ay  mga perang nakulimbat sa isang love scam na bumiktima sa isang matandang babae sa Hong Kong.

Noong Enero 26 ng taong ito, pauwi na sana sa Pilipinas ang 35 anyos na si Ma. Rochel Fuentes nang harangin siya ng immigration sa airport sa Hong Kong, ikinulong ng pulisya at kinasuhan ng money laundering.

Binanggit ng isang specialist sa accounting at law sa University of Hong Kong na si David Bishop na tinatarget ng mga kriminal ang mga dayuhang manggagawa.  Nabatid na ang Hong Kong Labor Department ay nagbibigay na rin ng briefing para sa mga DH na Pilipina para maturuan kung paano sila makakaiwas na sumabit sa mo-ney laundering at maging ang pulisya ay nagbalak na magdaos ng workshop para imulat ang mga dayuhang domestic worker hinggil sa naturang krimen. Nananawagan din ang pulisya sa mga Hong Kong employer na paalalahanan ang kanilang mga domestic helper hinggil sa money laundering.  Sinabi naman ni Abdon-Telez na dapat sana sa Pilipinas pa lamang ay iminumulat at binabalaan na ang mga OFW na papuntang Hong Kong hinggil sa isyu ng money laundering at mga sindikatong gumagawa nito.

At paano na ang mga OFW na nakasuhan at nakulong sa Hong Kong dahil sa money laundering?

* *  * * * * * * * * *

Email - [email protected]

vuukle comment

HONG KONG

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with