Kakandidato ba muli si Mayor Alice Guo?

Nahihiwagaan ang mga senador kay Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac. Biglang sulpot siya sa pulitika nu’ng 2022 pero nanalo agad bilang punong bayan. Suportado siya ng Zuan Yuan Technology Inc., Philippine Offshore Gaming Operator.

Mayor Alice Guo
Facebook

Hinala nina Senators Risa Hontiveros at Sherwin Gatchalian na espiya ng China si Guo. Tinipon ni netizen Thea Tan ang mga ito:

  • Edad 17 si Guo nu’ng 2013 nang irehistro ang kan­yang kapanganakan. Kuwenta 1986 siya isinilang. Walang tala sa anumang ospital. Aniya sa bahay siya ipinanganak, pero hindi niya alam kung saan. Hindi rin alam kung bakit atrasado ang pagrehistro.
  • Hindi raw siya pinalaki ng ina na si Amelia Leal. Ne­go­s­­yante raw ang ama na si Anghelito Guo, na inamin niya kina­­launan ang totoong pangalan na Jian Zhong Guo. Hindi niya alam kung saan kinasal ang magulang. Lahat ng sinabi ay batay lang sa birth certificate.
  • Laki sa bukirin, homeschooled daw siya nung ele­mentary at high school. Pero walang certification ng home­schooling. Natatandaan niya lang ang pangalang Teacher Rubylyn.
  • Bihasa raw siya mag-Mandarin sa sariling pag-aaral.
  • Biglang litaw ang pangalang Guo bago mag-Halalan 2022. Kumandidato siyang independent. Ga-balahibong Tsina niya tinalo ng 465 boto si beteranong barangay captain Joey Salting. Inanunsyo ni dating mayor Jose Feliciano na ang kaibigang si Guo ang hahalili.

Ayon sa batas, dapat limang taong residente sa pook ang sinumang kandidato. Sinuri ba ng Comelec ng Tarlac at Central Luzon ang background ni Guo?

Umaagos ang kita ng mga POGO. Karamihan ay hindi nagbabayad ng buwis. Inamin ni Guo na dati siyang kasosyo sa Zuan Yuan. Ni-raid ito ng pulis nung Feb. 2023 at Mar. 2024. Kinasuhan ng human trafficking at serious illegal detention.

Show comments