‘Sharjah Squad’: Kapihan ng mga nanay na Pinay sa UAE
Isa pang bagong organisasyon ng mga Pilipino sa bansang United Arab Emirates ang itinatag sa pangalang Sharjah Filipina Squad (SFS). Binubuo ito ng mga nanay na Pilipina sa lungsod ng Sharjah sa UAE sa pangunguna ng negosyanteng Pilipina na si Angelica de Guzman. Sinimulan ito noong Abril 27, 2024 para itaguyod ang makulay at masayang komunidad para sa mga Pilipinang ina sa Sharjah. Umaabot na agad sa mahigit 60 ang bilang ng mga miyembro nito kahit mahigit isang buwan pa lang naitatatag ang tinatawag nilang Sharjah Filipina Squad - Coffee & Connect.
Ipinaliwanag ni Angelica sa isang panayam sa email na layunin ng SFS na makapagbigay ng suporta sa kapwa Pilipina sa Sharjah sa pamamagitan ng mga palitan ng kahulugan at kapatiran. Karaniwang nagtitipon-tipon sila sa iba’t ibang coffee shop. Habang nagsasalo-salo sa kape, nagbabahaginan sila ng mga kuro-kuro, problema, karaingan, karanasan at mga isyung maaaring may kinalaman halimbawa sa pamilya, trabaho, personal na buhay at iba pa, at maging ang mga usapin sa Pilipinas ay napapasama sa kanilang talakayan.
Halo-halo ang klase ng mga nanay na lumalahok sa SFS. Merong mga working mother, full-time, remote o hybrid, housewife o business owners.
“Sa Coffee & Connect meet up, gusto namin ipaalala sa mga kababaihan na hindi sila nag-iisa. Coffee & Connect meet up ay nagmula sa hangarin na magbigay ng mga oportunidad para sa mga kapwa nating kababaihan na magkaroon ng well-deserved break mula sa kanilang araw-araw na mga gawain at mga pananagutan. Tuwing magkakaroon ng meet up, may mga bagong miyembro kaming naroroon.Inaasikaso namin na sa pagdating ng mga miyembro sa cafe, mararamdaman nila agad na sila ay welcome at tayo ay nariyan para mag-enjoy, magkaroon ng mga bagong kaibigan, magtawanan at magkwentuhan. Tunay na nagtataglay ang Sharjah Filipina Squad - Coffee & Connect ng isang malapit, magiliw at kalingang espiritu, at lahat ay iniimbitahan na sumali at makikonekta sa aming napakagandang pamayanan!”
Ano ang kaibahan ng Sharjah Filipina Squad sa ibang grupo ng mga Pilipino sa UAE?
Sabi ni Angelica, “Ang aming coffee meet ups ay tungkol sa pagbuo ng makabuluhang mga koneksyon, pagpapalakas ng pagkakaibigan, at pagbibigay ng lakas sa mga kababaihan. Naging isang ilaw ng pag-asa at kaluwagan ang mga meetup na ito para sa maraming Filipina, pati na ako. Lumikha kami ng isang ligtas at hindi mapaghusgahan na espasyo para magbahagi ng aming mga kuwento, at kung saan aming hinarap ang mga pagsubok na aming hinaharap habang kumukuha ng lakas sa kaalaman na hindi kami nag-iisa sa mga karanasang ito.”
Inaayunan din ni Angelica na mahalaga sa mga Overseas Filipino Worker na lumalahok sa mga organisasyon ng mga Pinoy sa ibang bansa. “Makakatulong ito sa kanila sa aspektong pang-emosyonal, pang-mental, pang-trabaho atbp. Bukod dito, mas nagiging masaya ang aming pananatili sa ibang bansa. Makakatulong din sa mga manggagawang Pilipino ang pagiging kasapi ng mga organisasyong ito sa paghahanap ng trabaho, pakikipag-network, at pangangalaga sa kanilang mga karapatan. Naghahanda kami ngayon para sa ika-126 na Independence Day program na gaganapin sa June 9, 2024 sa Dubai World Trade Centre. Napili ang Sharjah Filipina Squad - Coffee and Connect na kumatawan para sa Emirates of Sharjah sa KALAYAAN 2024 UAE. Kasama rin sa parade ang aming mga pamilya.”
Isa sa mga kasapi ng SFS si Baby Jane Mendoza Kuhail na nakatira sa Sharjah kasama ng kanyang asawang Arabo at anak. Kaluwagan sa kanya ang may nakakausap na kapwa Pilipino. “Iba ang kuneksyon kapag may nakakasama kang ibang Pilipino. Una, mahirap makipagtalo sa asawa ko sa Ingles,” sabi niya sa isang ulat ng The National.
Isa pang kasapi na si Mary Grace Abejoro Rentoria, 31, ang nagsabi na naiibsan ang kanyang anxieties (pagkabahala) kapag may nakakausap siyang ibang tao. “Pagkatapos ng unang event, makakakilala ng mga bagong kaibigan, at pagkakataong makapagsabi ng saloobin, gumaan ang pakiramdam ko,” sabi niya sa Ingles sa The National.
Ayon naman sa miyembrong si Zara Concepcion, nagiging epektibo ang SFS dahil sa pagiging bukas nito. Mahalaga rin anya ito dahil ang mga relasyon sa UAE ay pansamantala lang dahil merong mga tao na dumarating at umaalis.
Type naman ni Sunshine Lamdagan makinig sa kuwento ng ibang mga miyembro.
Dagdag pa niya, “Nakakapagpalakas ng loob na makakita ng mga makakaugnayan at naibibigay na suporta habang nagkakaumpukan kami para yakapin ang aming mga kahinaan at matutoo sa isa’t isa. Sa naunang dalawang pagtitipon-tipon ay naituro sa amin na okay magbukas ng niloloob sa mga pakikibaka namin dahil batid namin na meron kaming isang komunidad na hindi lang makikinig kundi nagpapaangat din at nagpapasigla sa aming mga paglalakbay.”
* * * * * * * * * * *
- Latest