EDITORYAL - Wala nang pulis na eeskort sa VIPs
Bawal na o inalis na ang mga pulis na nag-eeskort sa mga very important persons (VIPs). Ito ang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief General Rommel Francisco Marbil noong Huwebes sa isang radio interview. Sabi ni Marbil, hindi na mababago ang kanyang desisyon sa pag-aalis sa mga pulis na nagsisilbing escort sa mga VIPs. Ang bibigyan na lamang daw ng proteksiyon ng police officers ay ang mga taong may malubhang banta sa buhay at daraan ito sa mabusising pagsusuri para bigyan ng seguridad ng Police Security and Protection Group (PSPG) services. Sabi pa ni Marbil, ang paglilingkuran ng pulisya ay ang taumbayan at hindi ang mayayamang indibidwal.
Sinabi pa ni Marbil na marami raw ang tumawag sa kanya makaraang tanggalin ang mga pulis nag-eeskort sa VIPs. Bakit daw inalis ang kanilang security. Ang sagot daw ni Marbil, hindi nila trabaho ang pagbibigay ng seguridad. Ayon pa kay Marbil, nakita niya mismo kung paano eskortan ng pulis ang isang Chinese national nang minsang magtungo siya sa hotel. Nakasuot pa umano ang pulis ng shirt na may naka-print na PSPG. Pinuprotektahan umanong mabuti ng pulis ang Chinese.
Kung noon pa nakita ni Marbil na ang pinuprotektahan ng mga pulis mula sa PSPG ay mga Chinese national, bakit ngayon lang siya nagsalita ukol dito. Kung nakita na niya ito noon pa (maaring hindi pa siya PNP chief) dapat ipinaalam agad niya sa nakatataas at nasibak ang mga pulis na ang trabaho ay mag-escort kaysa maglingkod sa taumbayan.
Kung hindi pa nabuking ang ginagawang pag-eskort ng dalawang Special Action Force (SAF) sa isang POGO official sa Ayala-Alabang noong Mayo 18, hindi pa siya mag-uutos na itigil ang escort services. Kung hindi kaya nagsuntukan ang dalawang SAF at walang nangyaring gulo, ipatitigil niya ang pag-eeskort. Tumatanggap umano ng P40,000 bawat isa ang SAF troopers sa pag-eeskort sa POGO official. Ang matindi pa, sa Mindanao pa nakadestino ang dalawang SAF troopers. Sinibak na ang dalawa at pati ang pito nilang superiors.
Maaaring noon pa nangyayari ang pag-eeskort ng mga pulis sa VIPs at hinahayaan ng mga matataas na opisyal ng PNP noon. Ang ganitong masamang sistema ang nagpapababa sa imahe ng PNP. Hinahayaan ang mga pulis sa masamang gawain at ang mamamayan ang napeperwisyo.
Ngayong gumawa na ng aksiyon si General Marbil na bawal na ang pag-eeskort, umaasa ang taumbayan na tuluy-tuloy ito at hindi “ningas-kugon” lamang. Ipakita ni Marbil na mayroon siyang isang salita laban sa mga pulis na nag-eeskort.
- Latest