Noong Biyernes (Mayo 31) ay ginunita ang World No Tobacco Day. Taun-taon ay ginugunita ito upang bigyang babala ang mamamayan sa panganib na dulot ng paninigarilyo. Ngayong 2024, ang tema ng World No Tobacco Day ay “Protecting Children from Tobacco industry interference”. Tamang-tama ang temang ito sapagkat sa kasalukuyan, dito sa Pilipinas, parami nang parami ang kabataan na nahuhumaling sa paninigarilyo. Nakadidismaya na mayroong batas na nagbabawal bumili ng sigarilyo ang menor de edad pero hindi ito naipatutupad. Maraming tindahan pa rin ang lantarang nagbebenta ng sigarilyo sa mga kabataan.
Nakadidismaya rin na hinayaang maging batas ang Vape Law na sa kasalukuyan ay kinahuhumalingan ng mga kabataan. Ang vape daw ang mabisang paraan para maitigil ang pagkasugapa sa paninigarilyo na isang malaking kamalian sapagkat katulad ng sigarilyo, mapanganib din ito sa kalusugan. May mga kemikal ang vape na mapanganib sa kalusugan. Kamakailan, isang 22-anyos na lalaki ang namatay dahil sa araw-araw na paggamit ng vape. Inatake siya sa puso.
Nagpaalala naman ang Malacañang sa mamamayan noong Biyernes na iwasan ang paninigarilyo. Ayon sa Presidential Communications Office (PCO), masama ang epekto ng sigarilyo sa katawan kaya hikayatin ang mga mahal sa buhay na itigil ang bisyong ito. Hindi lamang ang naninigarilyo ang nasa panganib kundi maging ang mga nakalalanghap ng usok nito. Ayon pa sa PCO ang buhay ay mahalaga kaya nararapat umiwas ang lahat sa paninigarilyo.
Ayon sa tala ng Lung Center of the Philippines, nasa 321 ang mga Pilipinong namamatay araw-araw dahil sa sakit na nakukuha sa paninigarilyo. Nangunguna ang lung cancer sa mga sakit na dulot ng paninigarilyo. Mas marami ang namamatay sa lung cancer kaysa sa breast cancer. Bukod sa lung cancer, nakukuha rin sa paninigarilyo ang emphysema at chronic bronchitis. Ayon sa Department of Health (DOH), pinakamarami ang namatay sa lung cancer noong 2020 na umabot sa 17,063.
Maganda ang panawagan ng Malacañang sa publiko na huwag manigarilyo. Pero mas magiging epektibo ang panawagan kung paiigtingin din ang batas na nagbabawal sa paninigarilyo sa publiko. Noong panahon ni dating Presidente Duterte, bawal manigarilyo sa mga publikong lugar. Masakit sabihin pero, hindi na ito naipatutupad ngayon. Bawal din ang magbenta ng sigarilyo sa mga kabataan pero ngayon, lantaran na.
Ngayon, dumagdag pa sa problema ang e-cigarettes o vape na kinahuhumalingan ng mga kabataan. Dapat higpitan ang vape shops sa pagbebenta ng produkto. Iligtas ang kabataan sa masamang bisyong ito.