EDITORYAL — Higpitan, pagbibigay ng visa sa Chinese
MAGHIHIGPIT na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa pagbibigay ng tourist visa sa mga Chinese nationals. Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Gary Domingo, ang paghihigpit ay dahil sa mga report na may mga passport at visas na illegal na naisyu kaya maraming Chinese nationals ang labas-masok sa bansa. Marami rin ang overstay na Chinese.
Ayon pa kay Domingo, marami pang dahilan kaya ipinag-utos ang ganitong paghihigpit. Masyado aniyang confidential. Ito raw ay ipatutupad para na rin sa kapakanan ng ibang Chinese na nagiging biktima ng Philippine Offshore and Gaming Operations (POGOs). Marami raw Chinese ang kinikidnap ng kapwa Chinese at pinatutubos ng ransom. Meron ding biktima ng human smuggling at iba pang krimen. Maraming dahilan kung bakit magsasagawa ngayon ng ibayong paghihigpit ang DFA, ayon kay Domingo.
Nakababahala na ang pagdagsa nang maraming Chinese sa bansa at eksakto naman sa umiinit na tensiyon sa West Philippine Sea kung saan patuloy ang pambu-bully ng China Coast Guard sa Philippine Coast Guard vessels at iba pa na humantong sa pagbomba ng tubig. Maraming beses nang binomba ng tubig ng CCG ang PCG at pati ang mga barko na maghahatid ng suplay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal na binabantayan ng mga Pilipinong sundalo.
Dumagsa ang mga estudyanteng Chinese sa Cagayan at pawang naka-enrol sa mga unibersidad at kolehiyo roon. Nakapagtataka na naglalagi ang mga estudyante sa lugar na kinaroroonan ng EDCA sites. Ipinagtanggol naman ng mga local officials sa Cagayan ang mga estudyante at sinabing lehitimo ang mga ito. Hindi lamang sa Cagayan dagsa ang mga Chinese students kundi pati na rin sa Palawan at Visayas.
Dumami ang Chinese nationals sa bansa mula nang mag-operate ang POGOs. Malayang nakapasok sa bansa ang mga Chinese dahil sa kagagawan ng mga corrupt na Immigration officials. Nadiskubre na nagbibigay ng P10,000 bawat isa ang mga Chinese sa mga corrupt BI officials. Tinawag ang suhol na “pastillas scam”.
Hanggang sa ngayon, marami pa ring corrupt sa BI na pinapayagang makapasok sa bansa ang mga Chinese kapalit nang malaking halaga ng pera. At ang resulta nang ginagawang ito, pagdami ng mga Chinese na banta ngayon sa seguridad ng bansa. Patuloy ang pag-angkin ng China sa mga teritoryo ng Pilipinas at wala namang ginagawa ang gobyerno para lubos na maprotektahan. Tinitiis ang pagbomba ng tubig. Hindi raw dapat gumanti. Pero hanggang kailan ito titiisin?
Ngayong maghihigpit sa pag-iisyu ng visa, harinawang ito ang sagot para mapigilan ang pagdami pa ng mga singkit sa bansa. Maging alerto pa rin ang lahat.
- Latest