6 milyong bahay target ipatayo

Anim na milyong pamilya ang walang bahay.

Kolo-kolonya sila sa tabing bangin, ilog at dagat. Iki­nabubuhay nila ang pagtitibag ng graba o pagkakaingin sa bundok, pamimingwit sa ilog, at pangingisda sa dagat.

Bingit-buhay silang maralita. Kapag lumindol, bumagyo at magka-daluyong, giba ang mga kubo nila. Natatabunan ng landslide, nalulubog sa baha, natatangay ng alon.

Balak ng Marcos Jr. administration magtayo ng isang mil­yong bahay kada-taon, o anim na milyon sa anim na taong termino. Pero kapos ang pera ng gobyerno. Katiting­ lang ng pondong hinihingi ng Department of Human Settlements and Urban Development ang nailalaan ng Kongreso: 10% nu’ng 2022, 4% nu’ng 2023, 4.7% ngayong 2024.

Kailangan ang tulong ng pribadong sektor – mga negos­yante at NGOs – para sa murang pabahay. Kayang hulugan ng maralitang pamilya ang pabahay nang P3,000-P5,000 kada buwan. Maglaro dapat sa gan’ung budget ang builders. Sa tulong ng gobyerno, banatin nila ang panahon ng pagbayad nang 30 taon.

Disente dapat ang pabahay – may banyo, kuwartong tulugan, at pinagsamang kusina, kainan at sala. Maaliwalas, matibay; 36 metro kuwadrado-pataas.

Ang halaga ng lote ay 30% ng pabahay. Masyadong malaki! Sa larangang ito dapat tumulong ang pambansa at lokal na gobyerno. Imbentaryuhin ang mga nakatiwang­wang na lote ng estado. Gayundin ng mga probinsya, lung­sod at munisipalidad.

Mahal ang halaga ng lupa sa lungsod at poblasyon. Dapat dun ay vertical o pataas: apat na baytang na apart­ments. Kung malayo na, maari ang horizontal construction: tig-isang baitang na rowhouses.

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments