Pilipinong magbubukid kanya-kanyang sikap
NAGPROTESTA ang mga magsasaka sa France at Germany nung Enero. Inalis na kasi ng mga gobyerno nila ang subsidiya para sa gasolina ng mga makinang pansaka. Iniharang nila ang mga traktora sa highways at kapitolyo. Ipinamalas sa publiko na kung wala sila, wala ring makakain. Sa totoo’y nagmahal nga ang pagkain sa kanila.
Pero sagana pa rin sa ibang subsidiya ang mga magsasaka sa Europe at America. Tuluy-tuloy ang paghusay ng irigasyon, binhi, at kagamitan. Maluwag sa pautang. Nagpapapuslit pa ng mga illegal na manggagawa mula South America at Africa kung tag-ani para mura lang ang labor.
Sa Pilipinas katiting lang ang ayuda sa magbubukid. Sa 3.13 milyong ektaryang maaring laanan, 65% o 2.04 milyon lang ang may irigasyon. Karamihan pa roon ay natutuyuan kapag tag-init.
Hindi natuturuan ng DA ang magsasakang Pilipino sa wastong binhi, pataba, at pamatay-peste. Kanya-kanya lang sila kung ano ang nagkataong mura sa panahon ng tagtanim at pagpapalaki.
Walang tulong sa modernisasyon mula DA. Walang paupahang makinang pantanim, pang-ani at pangbayo. Kanya-kanyang kayod sa kanya-kanyang pitak ang magbubukid.
Hanggang ngayon ibinibilad ang palay sa highways, imbis na patuyuin sa high-speed driers. Iniimbak sa kanya-kanyang kamalig, imbis na 21 degrees centrigrade sa cold storage para walang bukbok.
Walang tulong mula sa DA sa pagdadala ng ani sa palengke. Kanya-kanyang gastos ang maggugulay sa pagsako ng ani at pag-upa ng sasakyan. At kulang ang cold storages kaya nabubulok ang ani.
Pinagkakaitan pa ng Bureau of Plant Industry central office ang field personnel ng datos ng imports. ‘Yon ay para maipuslit ng smugglers ang gulay mula China.
- Latest