Oh no. Determinado pa rin ang mga advocates ng charter change na apurahing mapagtibay ito. Kinukonsidera kasi ang ratipikasyon nito kapag nabuo ay isabay sa 2025 national polls.
Ito ay sa pamamagitan ng plebisito na taumbayan ang hahatol kung aaprubahan ito o hindi. Ideally, okay sana na ang mamamayan ang mag-aapruba. Ngunit batid naman natin ang bulok na sistema sa pulitika.
Ang mga isyu na politically motivated ay nagagawang manipulahin. At ang plebisito ay isang uri ng political exercise ng taumbayan na puwedeng dayain.
Kung anu-ano pang kadramahan ang ginagamit na kunwa ay maraming mambabatas ang tutol. Ito’y upang mabuo sa isip ng taumbayan na may semblance ng check and balance.
Nagalit pa kuno sa ideya si dating President Duterte ngunit ilang araw lang ay naghayag na ng pagpabor sa charter change.
Nag-iisip at matatalino na ang taumbayan at hindi na mauuto. Ngunit gaya nang nasabi ko na noon, dapat magkaroon pa ng mas malalim na pagkaunawa ang taumbayan sa Konstitusyon.
Mahalaga ito upang tuwing papasok sa isip ng mga mambabatas ang pag-amyenda ay mababatid agad ng mamamayan kung ito ay may makasariling agenda.
Sabi ng Comelec, posibleng pagsabayin ang national polls at plebisito upang makatipid nang malaking halaga ang pamahalaan. Sa himig ng pahayag na ito, tila plantsado na ang lahat at may bagong Konstitusyon na tayo sa 2025.