MARAMING klaseng polusyon. May polusyon sa hangin na ang pangunahing sanhi ay ang mga sasakyan o kagamitan na gumagamit ng gasolina o diesel bilang gatong. Carbon monoxide, carbon dioxide, sulfur at iba pang peligrosong kemikal ang mga produkto ng pagsunog ng gasolina, diesel pati na rin ng uling na ginagamit ng mga pabrikang lumilikha ng kuryente. May polusyon sa tubig kapag sa tubigan itinatapon ang mga basura at produktong hindi na magagamit ng mga pabrika. Maaamoy lang ang mga ilog, sapa at alam na matindi ang polusyon.
At may polusyon din ang ingay. Sa simpleng salita, ang noise pollution ay ang anumang ingay kung saan apektado na ang buhay ng mamamayan. Sa simpleng salita, ang polusyon na ingay ay anumang ingay na hindi na ikinatutuwa ng tao, o nagiging balakid pa nga sa kanyang pamumuhay. Hindi lahat ng ingay ay noise pollution na.
Ayon sa World Health Organization (WHO), anumang ingay na lalampas sa 65 decibels ay noise pollution na. Para may mapaghambingan, ang normal na pag-uusap ng tao ay nasa 65 decibels. Kaya kung may kilala kayong malakas magsalita, puwedeng noise pollution na iyon. Kapag sinisigawan sa taynga, nasa 110 decibels na iyan. Kapag umabot na sa 120 decibels, masakit na iyan sa taynga. Ang malakas na kulog ay ganyan ang sukat.
Ang bawat lokal na pamahalaan ay may ordinansa laban sa noise pollution. Ang problema ay hindi ito ipinatutupad. May abogadong nagsabi sa akin na kapag sumapit ang 10:00 ng gabi sa Quezon City, bawal na dapat ang mga karaoke sa kalsada. Tandaan ang kahulugan ng noise pollution, “anumang ingay kung saan apektado na ang buhay ng mamamayan.” Maraming natutulog na ng oras na iyan, partikular ang mga mag-aaral kaya bawal talaga ito.
Pero natatandaan ko ang mismong kapatid ko na ilang beses nagreklamo sa pulis dahil sa ingay ng kapitbahay na gusali kung saan malakas ang tugtog, usapan at naglalaro pa ng basketball ng madaling araw. Daraan ang pulis at pansamantalang titigil. Paglipas ng isang oras, balik na naman ang ingay. Malalakas na kantahan at walang pakialam sa mga tahanan sa tabi. Kaya walang silbi ang ordinansa.
Ngayon, may mas matinding ingay pa na halos lahat ng oras ay nagaganap. Mga maiingay na motorsiklo. May motorsiklo diyan na ubod ng ingay ng tambutso. Sa totoo, parang walang tambutso. Sinasadya pa ang pag-arangkada dahil kulang nga sa pansin. Maraming klaseng polusyon ang kailangang tiisin nating lahat. Pero kung may mga batas o ordinansa na pala hinggil sa sobrang ingay, kabilang na ang mga sasakyan partikular mga motorsiklo, sana naman aksyunan ng mga otoridad. Masama bang humingi ng katahimikan, lalo na sa gabi?