Nagmahal ang kuryente sa mundo nu’ng 2018-2023, ulat ng International Energy Consultants. Sumipa kase ang uling nang 270%, $105 hangang $390 kada tonelada. Sumipa rin ang langis nang 32%, $69 hangang $91 per barrel.
Nahirapan ang Pilipinas dahil imported ang langis at uling, at presyong pang-mundo ang gas sa Malampaya. Ganunpaman, anang IEC, Pang-21 pa rin ang presyo ng Meralco sa 46 bansa sa Asia-Pacific, Europe at North America. Mas mura ang Meralco nang 3% kaysa average presyo nilang lahat.
Sustentado ang presyo ng kuryente sa Indonesia, Korea, Malaysia, Taiwan, Thailand at Vietnam. Kung alisin sila sa 46 na bansa, mas mura ang Meralco nang 13%. Mukhang mura ang kuryente sa anim na kapitbansa dahil lang sa sustentong cash, fuel at utang.
Mahigit kalahati ng presyo ng kuryente ay sustentado ng gobyerno sa Indonesia, Korea, Malaysia, Taiwan, Thailand at Vietnam. Nung 2022, Ang kabuuang sustento nila ay, $138 bilyon.
Kung sustentuhan din ang kalahati ng presyo ng Meralco, magkakahalaga ito nang $4.2 bilyon, o P241 bilyon, kada taon.
Hindi nagsusustento ang gobyerno ng Pilipinas sa kuryente, ani Energy Sec. Raphael Lotilla. Kase kukunin din ito sa buwis. E di gastahin na lang direkta sa edukasyon, kalusugan at infrastructure projects.
Napapamura ng Meralco ang kuryente dahil sa bidding ng power generators at mahusay na pamamahala, anang IEC.
Nagtaas-presyo ang Meralco nang 24% kumpara sa 23% ng ibang bansa nung 2018-2023. Pero lahat ng taas-presyo ng Meralco ay dahil sa taas-singil ng power generators.
Ang distribution charge mismo ng Meralco ay 33% lang ng sa ibang bansa, anang IEC. Kaya patas at resonable raw ito.