Illegal gambling sa Baguio

LINGGU-LINGGO ang pag-raid ng Baguio police sa mga maliliit na sugalan. 

Nitong Miyerkules, tatlong may edad na babae ang hinuli dahil sa pagto-tong-its. Naaktuhan sila sa isang eatery sa Gen. Emilio F. Aguinaldo. Nasamsam sa kanila ang baraha at P2,300 cash.

Nauna nang hinuli ng mga pulis ang tatlo pang nagto-tong-its sa isang bahay sa Ferguson Rd., Bgy. Andres Bonifacio.  Inginuso raw sa pulis ang sugalan. Nasamsam ang mga baraha, pera, at iba pang gamit.

Noong Pebrero tatlong kababaihan at isang lalaki ang nahuling nagto-tong-it sa Claridad Road, Lower Magsaysay Ave. Baraha, taya at mga gamit sa sugal ang ebidensiya.

Habang niri-raid ang mga nagto-tong-its, naglipana naman ang mini-casinos sa Central Business District ng Baguio. Nakakubli sa isang gusali na nasa harap ng police outpost sa Legarda Rd. ang isang mini-casino. Katabi nito ang gambling den na pag-aari ng barangay chairman sa isang bayan ng Nueva Ecija.

Sa Kayang St., ilang hakbang  mula sa City Hall ay may sugalan din na pag-aari ng taong malapit daw kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong. Dating kapitan, na ngayo’y kagawad. Sa Session Road sa Bgy. Malcolm Square ay may nagpapasugal din na  ipinagyayabang din na malapit kay Magalong.

Sa Bgy. Sto Niño nagkakamal ng pera mula sa sugal ang gambling lord na nag-ooperate din sa Bgy. Malcolm Square. May gambling den sa old Philippine Rabbit bus  sinkhole sa Upper Magsaysay Ave.

Daming illegal na sugalan sa Baguio.

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments