EDITORYAL - Medical marijuana
Aprubado na ng House Committee on Dangerous Drugs at House Committee on Health ang panukalang batas sa paggamit ng marijuana bilang gamot sa mga malulubhang sakit gaya ng kanser, insomnia, epilepsy at iba pa. Ayon kay Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers at chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, pinagtibay na ng kanyang komite at committee on Health ang panukalang batas sa paggamit ng medical marijuana.
Sinabi ni Barbers, na kapag naging batas na ang panukala, magiging eskslusibo lamang ito bilang gamot at hindi para sa recreational purposes. Magkakaroon ng preskripsiyon ng doktor at hindi basta-basta mabibili sa mga botika ang gamot.
Ayon pa kay Barbers, ang sobrang preskripsiyon ng medical marijuana ay may mabigat na kaparusahan: pagkakulong ng anim na taon at multang P500,000 hanggang P1 milyon.
Marami na ang nagpanukala ng medical marijuana. Ilang taon na ang nakararaan, inihain ni Isabela Rep. Tonypet Albano ang House Bill 279 (Medical Compassion Cannabis subalit hindi naaprubahan. Layunin din ng panukalang batas na gamitin ang marijuana laban sa mga malulubhang sakit.
Noong 2014, inihain din ni dating Isabela Rep. Rodito Albano (kapatid ni Tonypet) ang House Bill 4477 (Compassionate Use of Medical Cannabis Act). Sa panukala, ang marijuana ay para sa medical purposes at hindi puwedeng gamitin para sa recreation purposes. Hindi rin puwedeng ibenta kung saan-saan ang marijuana at hindi rin puwedeng itanim sa bakuran ang halaman.
Hindi naaprubahan ang panukala ni Albano sapagkat tinutulan nang maraming sector kabilang ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) at Department of Health (DOH). Ayon sa DOH, kailangan pa nila nang sapat na ebidensiya para masabing nakagagamot ang marijuana. Wala pa raw nakapagpapatunay na nakagagamot ng sakit ang marijuana particular ang epilepsy.
Ang panukala ni Barbers sa medical marijuana ay marami pang pagdadaanan bago maging batas. Maaring matulad din ito sa iba pang panukala sapagkat maraming tutol. Bukod sa DOH, nagpahayag din noon ang Dangerous Drugs Board (DDB) na mapanganib ito at baka abusuhin kapag naging batas.
Sabi ng DOH wala pa namang matibay na ebidensiya na nakakagamot nga ang medical marijuana. Ganito rin ang sinasabi ng iba pang mga eksperto. Kung ganito ang sinasabi laban sa marijuana, mas makabubuti kung magharap ng mga matitibay na ebidensiya ang mga mambabatas na nakagagamot nga ito.
Kailangang matiyak ang bisa ng marijuana bilang gamot sapagkat kung hindi, baka maabuso at magbigay lamang ng panibagong problema sa bansa. Malala ang drug problem sa bansa at hindi na dapat madagdagan pa.
- Latest