Maraming nagsususpetsa sa paggigiit ng ilang mambabatas na baguhin ang Konstitusyon. Ito’y kahit sabihin pa ng mga nagsusulong na tanging economic provisions lang ang babaguhin para umakma sa pangangailangan ng panahon.
Ngunit kapag gumulong ang mekanismo sa pag-amyenda, sa tusong paraan ay bigla na lamang makapagsisingit ng mga political changes partikular yung magpapalawig sa termino ng mga halal na opisyal. Masyadong self-serving iyan.
Isa si Surigao Rep. Robert Ace Barbers sa mga pumapabor sa Charter change sa mga mambabatas sa Kamara de Representante. Sabi niya, kung mabibigo ito sa dalawang Kamara ng Kongreso, maisusulong ito sa bisa ng People’s Initiative (PI).
Pero kahit pa ang PI ay kahina-hinala rin kung ang nagpapasimuno nito ay mismong mga pulitiko tulad ng ginagawa ng ilang mambabatas na sinasagkaan ng Senado.
Sabi nga ng Presidential sister at Sen. Imee Marcos, “call a spade a spade.” Sabihin ang tunay nilang intensiyon sa pagbabago ng Konstitusyon at huwag gawing alibi ang pag-amyenda sa mga economic provisions.
Katig ako diyan sa sinabi ni Sen. Imee. Batid kasi ng mga advocate ng Cha-cha na kung ang intensyon ay term extension, tututol tiyak ang maraming mamamayan.
Walang depekto ang Konstitusyon at hindi ito rason kung bakit masama ang takbo ng pamahalaan. Ang tunay na rason kung bakit masama ang pamamalakad sa gobyerno ay dahil sa tiwaling isip ng ilang nakapuwesto. Kaya let this idea of changing the charter rest para pumayapa na ang maligalig na sitwasyon sa ating bansa.