TIYAK na iigting pa ang tunggalian sa revised Baguio City Charter (Republic Act No. 11689) sa 2024.
Sana, hindi lamang ang mga pulitiko sa Baguio ang tatalakay sa isyu kundi pati ng nakararaming mamamayan.
Ang revised Baguio City Charter ang basehan ng pag-inog ng Baguio at ng mamamayan nito sa susunod na siglo, mula sa napaglumaan nang Baguio City charter na inakda noong Setyembre 1, 1909.
Ayon kay Rep. Marquez Go, pakay ng charter na itugma ito sa kasalukuyang katangiang panlipunan, pang-ekonomiya at pampulitka ng siyudad lalo na sa epektibong pagtalima sa land-use plan; paglutas sa boundary dispute sa Tuba, Benguet; paglutas sa mga suliraning nakaugnay sa alienable at disposable public lands; at pagpapatibay sa mga istruktura ng lokal na pamahalaan upang makatugon sa lumalaking pangangailangan ng mamamayan.
Ngunit ayon sa mga kritiko, ang RA 11689 ay kulang sa requisites upang itaguyod ang epektibong pamamahala. Kulang din ito sa lalim dahil minadali at hindi pinag-isipan.
Ayon kay Baguio City councilor Fred Bagbagen, hindi nakasaad sa charter ang klarong definitive territorial jurisdiction, bagay na sasagka sa anumang master development plan sa mga lupain ng syudad. Sabi ni Bagbagen, dapat unahing lutasin ang boundary dispute ng Baguio City at Tuba upang maisaad ang malinaw na teritoryo ng Baguio.
Malaking katanungan din ang pagsasama ng mga kinatawan ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at John Hay Management Corporation (JHMC) sa mga komite sa Sangguniang Panlungsod, na mistulang pangingialam sa mga usapin sa lungsod.
Ninanais ding usisain ang sinasaad sa RA 11689 na kinakailangang maipasa ang mga Ordinansa ng Baguio City sa Sangguniang Panlalawigan ng Benguet. Component city ito at labas sa jurisdiction ng anumang probinsya.
Ang aktibong pakikipagkaisa at pakikibahagi ng mamamayan sa mga isyung pambayan ang kinakailangan para magtagumpay ang charter.
* * *
Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com