Uso na naman ang lundagan sa kabilang partido. Nagsimula ito nang mabulatlat ng mga mambabatas ang confidential fund ni Vice President Sara Duterte. Sumali si dating President Digong at nagpahayag ng komento na tila hindi nagustuhan ng mga mambabatas. Ang resulta maraming kapanalig ni Digong ang umalis sa kanilang partido at lumipat sa mas malakas na partido para sa eleksyon 2025 at 2028.
Sa tingin ko, hindi pa dapat pagtuunan nang pansin ang eleksiyon dahil sandamakmak na problema ang kinakaharap ng bansa. Katulad na lamang sa kinakaharap na El Niño sa 2024. Kaya ang dapat pagtuunan ngayon ng pansin ng mga mambabatas ay ang pagtuklas ng mga makabagong teknolohiya para makapag-produce nang maraming pagkain para sa 1.1 milyong Pilipino.
Sa ngayon, maganda pa ang ani ng palay pero hindi dapat maging kampante ang pamahalaan administrasyon ni President Ferdinand Marcos Jr. Dapat ipagpatuloy ang pagpapaunlad sa agrikultura para may maisubo ang mga kumakalam ang sikmura. Hindi maitatanggi na maraming nagugutom ngayon batay sa surbey ng Social Weather Stations (SWS). Mas maraming nagugutom sa Metro Manila.
Ang isa pang mainit na isyu ngayon ay ang pagharang ng ilang senador na papasukin ang International Criminal Court (ICC) sa bansa upang maimbestigahan ang mahigit 7,000 napatay sa war on drugs ni dating President Digong. Pati si VP Sara ay hinimok ang DOJ na huwag makipag-cooperate sa ICC. May mga mambabatas na nagsusulong na mag-member muli ang Pilipinas sa ICC matapos kumalas noong 2017 sa utos ni Digong.
Mainit na isyu rin ang nangyayari sa West Philippine Sea na nakakaranas ng panggigipit ang Philippine Coast Guard mula sa China Coast Guard. Laging hinaharang ang PCG at mga barko na may dalang supply para sa mga sundalong nagbabantay sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal. Kailangang palakasin ang pakikipag-alyansa sa ibang malalakas na bansa upang may dumamay sa oras ng pangangailangan.