^

PSN Opinyon

EDITORYAL — Tunay na bayani ng masa

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL — Tunay na bayani ng masa

KAARAWAN ngayon ng supremo ng Katipunan na si Andres Bonifacio—ang bayani ng masang Pilipino. Ika-160 kaarawan niya. Tanging si Andres lamang sa lahat ng mga bayani ang ipinagdiriwang ang araw ng kapanganakan kaysa kamatayan. Karu­mal-dumal ang kanyang naging kamatayan noong Mayo 10, 1897 kaya hindi dapat ipagdiwang. Mga tauhan ni Gen. Emilio Aguinaldo ang naggawad sa kanya nang malagim na kamatayan sa Mt. Buntis, Maragondon, Cavite.

Bukod kay Andres, kasama ring pinatay ang kan­yang nakababatang kapatid na si Procopio. Maka­raang patayin ang magkapatid, inilibing sila sa isang lugar na walang palatandaan kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon ay kay Andres. Ayon sa report, ini­lagay sa isang urna ang mga buto at inilagak sa National Library na nasa Legislative Building. Nang bombahin ng mga Hapones ang Maynila noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, kasamang nasira ang nakapreserbang mga buto ni Andres.

Ipinanganak si Andres sa Tondo, Maynila noong Nobyembre 30, 1863 (St. Andrews Day). Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga ka­patid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Habang walang ginagawa, nagbasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.

Itinatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas—itak laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming namatay sa mga Katipunero pero sa ka­bila niyon, hindi sumuko si Andres at ipinagpatuloy ang pakikibaka.

Nakalulungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga Kastila kundi sa kamay ng kanyang mga kasama sa Katipunan. Hindi malilimutan si Andres sapagkat siya ang sumasagisag sa mga mahihirap at inaapi. Mananatili sa isipan ng mamamayan ang ipinakita niyang pagmamahal sa bansa at nagpapatunay na siya ang nag-iisang bayani ng masang Pilipino.

ANDRES BONIFACIO

PILIPINO

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with