Hindi na natapos at patuloy na nadaragdagan pa ang mga riders na empleyado ng Placer 8 Logistics Inc na dumarating sa BITAG Action Center.
Pagbukas pa lang ng taon 2023, mahigit dalawang dosenang Shopee Riders na empleyado ng Placer 8 ang mga naunang pumila sa aming tanggapan.
Mga hindi binibigay na ilang buwang sahod, incentives at benepisyo ang sumbong. Noong mga panahong ‘yun, maayos namang nakipag-usap ang Placer 8 sa BITAG.
Hindi pa raw kasi sila binabayaran ng online shopping platform na Shopee kaya nahirapan silang bayaran din ang kanilang mga riders. Subalit, agad nilang naayos ang problema.
Sa tanggapan mismo ng Department of Labor and Employment (DOLE), nabayaran ang mga nag-mass resignation na riders. Pero hindi roon natapos ang problema.
Sunud-sunod kaming dinumog ng iba pang riders na empleyado ng Placer 8 mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila at maging sa mga probinsiya. Hanggang sa sinusulat ang kolum na ito, tuluy-tuloy lang ang kanilang pagdating at pagmensahe ng mga sumbong sa BITAG laban sa Placer 8.
Paiba-iba lang ang mukha ng mga nagrereklamo, iba-iba lang ang branches at kliyenteng nirerepresenta —pero iisa ang reklamo. Kung minsan, matatanggap pa ang kaunting delayed sa pagpapasahod.
Pero ‘yung hindi pagbibigay ng mga insentibo ng mga riders na umulan-umaraw ay ligtas na dinadala ang mga delivery, ‘yung hindi paghuhulog ng kanilang mga benepisyo na ikinakaltas sa kanilang mga sahod—matinding pang-aabuso ito.
Saan kayo kumukuha ng lakas ng loob at tibay ng sikmura diyan sa Placer 8 na magnegosyo habang paulit-ulit niyong pinagsasamantalahan ang inyong riders?
Hindi na kayo sumasagot sa tawag ng BITAG, marahil nag-iisip pa kayo ng bagong dahilan o kung sinong sisisihin kung bakit wala pa ang mga kinaltas n’yong benepisyo sa riders?
Ang dapat n’yong malaman diyan sa Placer 8—isa itong uri ng pagnanakaw sa inyong mga empleyado. Puwede kayong umiwas sa amin sa BITAG, pero hindi kayo makakapagtago.
Kasalukuyang nakikipagtulungan kami kay Cong. Bonifacio Bautista ng Rider Partylist. Nakakabahala na ang bilang ng riders n’yo sa Placer 8 na nagrereklamo.
Kaso, kulong o sarado? Mamili kayo Placer 8.