Baluktot ang payo ni dating Presidente Rody Duterte sa anak na si VP Sara.
Makatwiran aniya ang hinihingi ni Sara na P500 milyong confidential funds bilang VP at P150 milyon bilang Education Secretary para 2024. Ikatwiran daw dapat ni Sara na ang kabuuang P650 milyon ay para sa pagbalik ng Reserve Officers Training Corps sa kabataan. Sa ganung paraan, ibibigay umano ng Kongreso ang pondo na hindi na kailangan ipaliwanag kung paano ginasta.
Mapapahamak si Sara kung sumunod sa payo ng ama. Bakit?
Una, kung ibalik ng Kongreso ang ROTC, popondohan ito bilang programa ng gobyerno o “line item”, hindi confidential expense. Isasama sa ROTC budget ang suweldo ng mga magpapalakad at staff nito, upa sa opisina at utilities (telecom, kuryente, tubig), at capital expenses tulad ng mga riple, kanyon, bala, sasakyan, mesa, silya, uniporme, at iba pa.
Ikalawa, ang bersiyon ng Senado sa pagbalik ng ROTC ay sa 2nd at 3rd years ng kolehiyo. Samakatuwid, papasok ito sa Commission on Higher Education, hindi sa Dept. of Education ni Sara. Mahahalatang palusot lang niya na ang confidential funds ay para sa ROTC.
Ikatlo, sa bersiyon ng Kamara de Representantes, ang ROTC ay ipapatupad sa 11th at 12th Grades. Papasok na ito sa DepEd ni Sara. Pero malamang i-veto ng Presidente ang batas para hindi mapahiya ang Pilipinas sa mundo.
Edad-15, -16 o -17 ang mga 11th at 12th graders. Labag sa UN Convention on the Rights of the Child na i-recruit sa military ang mga menor-de-edad. Malinaw ito sa Optional Protocol Against Child Soldiers.
Sa pananaw ni Rody Duterte, mag-imbento lang ng gastusin para makakuha ng confidential-intelligence funds. Ganun ba ang ginawa niya sa bilyon-bilyon pisong CIF niya bilang Presidente?
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).