Window hours mawawala

May plano na ang Metro Manila Council (MMC) para ma­bawasan ang trapik sa Metro Manila, partikular sa mga ma­lalaking kalsada. Tatanggalin na ang “window hours” mula 10:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon sa ilang malalaking kalsada tulad ng EDSA, Quezon Ave., Roxas Blvd., Taft Ave., Shaw Blvd., Ortigas Ave., Araneta Ave. at iba pa. Ilalabas ang buong listahan sa mga pahayagan at inihain ang plano sa UP Law Center para pag-aralan. Ang hinihintay na lang ay ang pagpapatupad ng plano.

Ito ang naisip nilang gawin lalo na’t papalapit na ang panahon ng Pasko. Hindi ito bagong plano. Ginawa na rin ito noon sa mga nakaraang administrasyon. Inaasahan ng MMC na mababawasan ang dami ng sasakyan ng dalawampung porsyento sa mga kalsadang ito.

Ang apektado sa planong ito ay ang mga pamilyang iisa lang ang sasakyan. Para sa mga pamilyang may higit sa isang sasakyan, basta’t iba ang ending ng kanilang plaka, magpapalit lamang sila ng sasakyan. Ganun pa man, dito magiging mahalaga ang publikong transportasyon. Kung masikip na sa mga tren ng MRT at LRT, baka sumikip pa. Tiyak na magiging busy ang mga “ride-hailing companies” tulad ng Grab. Maghanda na sa mahirap na booking.

Malungkot lang at bagama’t hinahanda na ng mga Pilipino ang pinakamahabang selebrasyon ng Pasko, may mga malalaking digmaang nagaganap sa ibang panig ng mundo. Ang digmaan sa Ukraine ay patuloy pa rin. Itong Pebrero, magdadalawang taon na iyan. Sana ay hindi mabawasan o humina ang tulong at suporta nang maraming bansa sa Ukraine. Kita naman kung sino ang mga berdugo sa digmaang ito. Kita kung sino ang kriminal na pinuno.

Sa digmaan naman ng Israel at Hamas, alam kung sino ang mga terorista. Kapag mga inosenteng sibilyan ang pinapatay, tulad ng ginagawa rin ng Russia ni Putin, nasa panig ng kasamaan. Malungkot lang at apektado masyado ang mga sibilyan ng Gaza, mga Palestino, partikular ang mga bata na wala namang kasalanan. Mabuti at pinayagan nang makapasok ang mga trak na nagdadala ng ayuda sa mga apektadong sibilyan. Pero walang humpay ang pagbomba ng Israel sa Gaza. Sa sigalot na ito, kita ang galit ng Israel sa sinimulan ng Hamas. Ganyan naman ang terorista. Hindi lalaban ng harap-harapan. Idadaan sa terorismo sa mga sibilyan. Sana ay matapos na ang mga digmaan, ang poot at ang walang saysay na pagpatay sa mga inosente. Panahon ng kapayapaan ang Pasko. Sana maranasan ng lahat, anuman ang kanilang pananampalataya.

Show comments