Mga traydor sa San Simon, Pampanga

NAGTUTURUAN na ang mga opisyales ng lokal na pamahalaan sa San Simon, Pampanga hinggil sa planta ng pagawaan ng aluminum sa lugar. Ang One Sky Aliminum Extrusion Corp. na tahasan at walang pakundangang lumalabag sa mga batas kalikasan na nagpapahirap sa mga magsasaka’t residente sa bayan.

Nakaabot sa BITAG ang mapanganib na lihim na ito sa San Simon, Pampanga sa sumbong ng mga residente’t magsasaka na apektado ng operasyon ng planta.

Halos isang buwan nagsagawa ng surveillance operation ang BITAG. Naidokumento na tuwing hatinggabi kung maglabas ng makapal at maitim na usok ang planta.

Ang nakapagtataka, tanging mayor’s permit lang ang hawak ng planta, wala ring Engineering o Sanitation Permit. Ang kanilang Environmental Compliance Certificate (ECC) na isyu ng Department of Environment and Natural resources– pangwarehouse lamang.

Malaking palaisipan kung paano nakapagpatayo ng 13 hectares na pagawaan at tunawan ng aluminum ang One Sky sa San Simon, Pampanga na tanging Mayor’s Permit at ECC na pang-warehouse lamang ang dokumento.

Sa interview ko kay San Simon, Pampanga Mayor Abundio Punsalan Jr, sinisisi niya ang kaniyang konseho na pinamumunuan ni Vice Mayor Dading Santos. Ang konseho umano ang nag-apruba ng aplikasyon ng One Sky, tagapirma lang daw ng dokumento si Mayor.

Tahasang kinontra ito ng Vice Mayor, aniya, malaki ang impluwensiyang ginawa ni Mayor sa konseho. Hindi raw nila aaprubahan ito nang walang “go signal” ni Mayor sa garantiyang isusumite ng One Sky ang iba pang permits at dokumento.

Taong 2021, kasagsagan ng pandemya nang mag-um­pisang itayo ang imprastuktura ng One Sky. Panahon kung saan limitado ang galaw ng publiko. Subalit sabi ni Mayor Punsalan, masipag daw pumasok silang taga-Munisipyo habang pinag-uusapan ng konseho ang pag-apruba sa aplikasyon ng One Sky.

Tanong ko, dumaan ba ito sa public consultation kung saan ipinaalam sa mga residente na may itatayong planta ng aluminum sa kanilang bayan – “oo” ang panigurado ni Mayor Punsalan. Pero ang mga magsasaka’t residenteng nakausap ng BITAG, walang kaalam-alam!

Trinaydor nga ba ng munisipyo ang mga mamamayan ng San Simon, Pampanga? Mapapanood ang Part 1 sa BITAG Official YouTube Channel.

Abangan ang iba pang detalye ng imbestigasyon ng BITAG.

Show comments