KABABALIK lamang ng grupo ng BITAG mula sa Cebu. Isang linggo rin kaming nanatili roon matapos naming eksklusibong maidokumento ang pag-rescue sa 123 katao sa Pangutaran, Sulu. Ang mga biktima, bata at matatanda na matinding inabuso sa isla ng Tubalubok. Sapilitang pinagtrabaho’t pinagamit ng droga, ginahasa, ginutom at ginawang parang mga alipin.
Ang rescue operation ay pinangunahan ng Philippine National Police-Women’s and Children’s Protection Center-Mindanao Field Unit (PNP-WCPC-MFU). Karamihan sa mga biktima, ni-recruit mula pa sa Bohol, Lapu-Lapu City, Bantayan Island at Cebu City—malinaw na human trafficking.
Sinalubong ng BITAG ang mga awtoridad kasama ang mga nasagip na biktima sa Zamboanga. Mula Zamboanga, ibiniyahe patungong Dipolog at doon nag-RO-RO patungong Cebu City.
Sa pakikipag-usap ng BITAG sa mga biktima, habang nasa biyahe, ibinahagi nila ang kanilang kalunus-lunos na kalagayan habang nasa isla. Ilan sa kanila, binigyan ang pamilya sa mga probinsiya ng P10-50,000 bilang paunang bayad bago magtrabaho. Subalit pagdating sa isla, lalo silang nalubog sa utang dahil sa kanila umano ibinabawas ang bayad sa krudo, pagkain at iba pang pangangailangan.
Ang kanilang mga anak, hindi rin nakaligtas sa pananamantala. Alas dos pa lamang daw ng madaling araw, gising na sila para magkaliskis ng mga isda. Labintatlong taon na nasa isla ang mga biktima. Hindi sila makatakas at makahingi ng tulong dahil sa mga nakabantay umano na may mga armas sa paligid ng isla. Dagdag nila, hindi na nila alam ang oras, petsa ng araw sa isla, halos mawalan sila ng pag-asa na makalaya pa sa impyernong kinalalagyan. Ang mga suspek kasama ang kanilang pinuno ay nakatakas, natimbrehan habang papunta sa isla ang mga awtoridad.
Abangan sa BITAG New Generation ang mga eksklusibong kaganapan ng rescue operation na ito.