Narito ang mga payo kung paano aalagaan ang kidneys. Payo ito ni Dra. Elizabeth Montemayor, tanyag na kidney specialist, Head ng Section of Nephrology sa PGH at Head ng Hemodialysis Unit sa Manila Doctors Hospital.
1. Limitahan ang paggamit ng pain relievers – Ang mga pangkaraniwang pain relievers tulad ng mefenamic acid, ibuprofen, at mga mamahaling pain relievers tulad ng celecoxib, ay puwedeng makasira ng kidneys. Kailangang limitahan ang paggamit nito sa 1 o 2 linggo lamang. Pagkatapos ay ipapahinga muna natin ang kidneys, bago muli bigyan ng gamot sa kirot.
2. Uminom ng sapat na tubig sa isang araw – Ang pangkaraniwang payo ng doktor ay ang pag-inom ng 8 basong tubig sa isang araw. Makatutulong ito sa pag-iwas sa kidney stones o bato sa bato.
3. Para sa mga taong magpapa-CT Scan o MRI with contrast dye (‘yung gumagamit ng dye na ipinadaraan sa ugat), kailangan nating pangalagaan ang inyong kidneys. Uminom muna ng 1-2 basong tubig bago magpa-CT scan o MRI para matulungan ang kidneys na ilabas itong dye.
4. Wala pang basehan ang paggamit ng supplements para sa kidneys – Ayon kay Dra. Montemayor, wala pang supplement na naimbento na napatunayang makatutulong sa kidneys. Sundin lamang ang mga payong naibigay natin at mapapangalagaan na ang kidneys.
5. Huwag sobrahan ang pag-inom ng Vitamin C – Ayon kay Dra. Montemayor, hanggang 500 mg lang ng Vitamin C ang kanyang nirerekomenda. Ang sobrang vitamin C ay puwedeng magdulot ng kidney stones. At ang kidney stones naman ay puwedeng umabot sa kidney failure kapag hindi naagapan.
6. Magtanong muna sa doktor bago uminom ng kahit anong gamot. Magpa-check ng ihi (urinalysis) at dugo (CBC, BUN at creatinine) at kumunsulta sa inyong kidney specialists o doktor. Napakahalaga ng kidneys. Alagaan ito.