Sinampahan na ng kasong alarm and scandal ang dating pulis na nagkasa at nanutok ng baril sa nakaaway na siklista. Ang Quezon City government ang nagdemanda dahil ayaw na marahil maabala ng biktimang tinutukan. Alam n’yo ba kung sino ang sinisisi ni Mr. Wilfredo Gonzales? Ang binubuntunan niya ng kanyang ngitngit ngayon ay ang blogger na nag-upload ng video na nagpapakita sa engkuwentro niya sa siklista. Tinawag niya itong iresponsable dahil ni hindi raw nito alam ang puno’t dulo ng sigalot.
Ha? Ano man ang dahilan ng away, ang ginawa niya ay labag pa rin sa batas. Sabi nga, the end cannot justify the means.
Hindi bale siguro kung ‘yung cyclist ay may sandata rin at nakaambang atakihin siya. Self defense kung magkagayon. At kahit self-defense, masasakdal pa rin siya at patutunayan sa hukuman na nagtanggol lang siya sa sarili.
Maliwanag na init ng ulo ang umiral kay Gonzales pero hindi pa rin dahilan ito para sabihing wala siyang pananagutan. Gun-toting is still a crime at may katapat itong parusa. Inuunawa ko ang kahinaan ng taong natatangay gumawa ng mali nang umiiral na galit.
Lahat nang tao ay maaaring makagawa ng karahasan kapag sumilakbo ang galit. Kaso, may batas tayo at ang batas ay batas na dapat sundin.
Mabuti nga at hindi niya pinaputok ang baril dahil mas mabigat na kaso iyan lalo pa’t kung nakapatay siya.