Salamat VP Sara sa iyong pamamagitan…

Mahal kong Proud Makatizens, hindi biro ang tensiyon at stress na inabot ko nitong nakaraang linggo dahil sa issue sa public schools na “inaagaw” ng kabilang lungsod.

Mahaba ang naging diskusyon at maraming interview ang naganap dahil hindi ako basta-basta pumayag na i-take over ng Taguig ang 14 na eskuwelahan sa loob ng 10 baran­gays na malilipat sa teritoryo ng Taguig (Fort Bonifacio Ele­mentary School, Cembo Elementary School, South Cembo Elementary School, Pitogo Elementary School, East Rembo Elementary School, Rizal Elementary School, Comembo Elementary School, West Rembo Elementary School, Pembo Elementary School, Makati Science High School, Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio High School, at Pitogo High School).

Laban kung laban, dahil 30,000 hanggang 48,000 students ang pinag-uusapan natin dito. Bawat isa sa mga batang ito ay may pangarap at ambisyon na mapabuti ang kanilang buhay at makaahon sa kahirapan.

Kahit kulang ang budget sa pang-araw araw sinisikap­ ng mga magulang nila na papasukin sila sa eskuwela at matuto­. Ang mga school supplies, sapatos, bag at unipormeng pa­tuloy na tinatanggihan ay tulong na ipinagkakait ninyo sa mga pamilyang gustong lumaban nang patas sa hamon ng buhay.

Pero wala akong magagawa kung pipiliin ng Taguig na tikisin ang libu-libong estudyante. Dahil ba ito sa pride o igno­rance? Siguro nga ay mas magandang ibigay ito sa mga kababayan nating nasalanta ng kalamidad. At least sila, maa-appreciate nila ang kalidad at tibay ng mga gamit na ito.

Masakit lang, dahil inilaan ko ito para sa mga batang ina­­lagaan ko nang maraming taon. Sana ay maging okay pa rin sila ngayong pasukan. Sana kahit wala nang supplies, pumasok pa rin sila araw-araw at magsikap makatapos ng pag-aaral.

Sa gitna ng tensiyon at kaguluhan, ipinagpapasalamat ko na naging boses ng katwiran si Vice President at DepEd Sec­retary Sara Duterte. Very grateful kami na ang kanyang tang­gapan ang direktang mamamahala at mangangasiwa sa 14 na paaralan sa 10 barangays na apektado ng desisyon ng Korte Suprema.

Dahil dito, nawala ang aking takot at pag-aalala. Ang DepEd Order No. 023, series of 2023 ay sinisigurong mapuprotektahan ang kapakanan ng mga mag-aaral, magulang at guro.

Kailangang idaan muna sa DepEd ang lahat ng aktibidad na may kinalaman sa 14 public schools upang maaprubahan ito ni VP Sara. Kasama rito ang anumang aktibidad ng mga pamahalaang lungsod ng Makati at Taguig. Hindi na puwedeng basta-basta pumasok at magkaroon ng activity sa loob ng mga paaralang ito ang Taguig. Lahat ay kailangang may permiso at paalam sa DepEd.

Pinawalang-bisa rin ng nasabing DepEd order ang lahat ng mga naunang order at issuance mula sa mga sangay ng national government kaugnay sa usapin ng transfer of jurisdiction.

Uulitin ko po na handa ang ating transition team na makipagtulungan sa DepEd upang matiyak ang maayos na transition. Uunahin natin ang kapakanan ng mga guro, mga kabataan at kanilang mga magulang.

Wala po sanang pasaway. Hindi po magandang halimbawa sa mga kabataan kung tayong mga lider mismo ang hindi susunod sa mga direktiba at guidelines na inilatag ng DepEd. Susunod po tayo sa batas at lahat ng panuntunang ilalatag habang nagtatransisyon.

Pipilitin ko pong hindi patulan ang anumang probokasyon na alam ko namang ginagawa nang sadya ng kabilang partido.

Bilang ina ng lungsod na matagal na nag-alaga at inuna ang kapakanan ng mga estudyante; para sa mga bata; at alang-alang sa mga pamilyang naiipit sa gulo, nananalangin ako ng isang maayos, organisado, at tahimik na transisyon.

Show comments