SA pagkakatanda ko, ang mga katagang “bilang na ang araw ninyo” ay madalas banggitin ng lahat ng naging Presidente ng bansa kapag nangangakong tutuldukan ang isang matinding problemang dulot ng mga taong masama. Mga taong nagpapasasa sa kayamanang mula sa katiwalian na ang nagdurusa ay maliliit na mamamayan.
Halimbawa: “bilang na ang araw ninyong mga kurakot sa gobyerno”; “bilang na ang araw ninyong mga rebeldeng komunista”; “bilang na ang araw ninyong mga kidnappers at drug lords.”; “bilang na ang araw ninyong mga smugglers.” Sa mga tabloid, magandang pam-banner iyan. Ngunit ang higit na mahalaga ay ang katuparan ng mga sinasambit na salita.
Pero sa lahat ng mga leader na nagsabi niyan, natupad ba ang ipinangako? Mula pa kay Aguinaldo ay narinig na marahil ng mga ninuno natin iyan. Ngunit talamak pa rin ang katiwalian sa loob at labas ng gobyerno. Nananatili ang mga kawatan sa gobyerno pati na ang mga smugglers na nakikipagsabwatan sa kanila. Namamayagpag pa rin ang mga sindikatong kriminal na noong araw ay sinabihan na rin ng mga naging Presidente na bilang na ang araw.
Hindi araw ang binibilang nila kundi limpak-limpak na salapi na dapat sana ay gastusin ng gobyerno upang guminhawa ang buhay ng tao. Ang mas masakit, tila lalong naglulubha ang sitwasyon. Ipinagmalaki ni PBBM na sa pamamagitan ng kanyang programang Kadiwa, nakakatikim ng murang halagang pagkain ang mga mamamayan. Pero ilan lamang ang Kadiwa stores? Kulang pa rin upang tugunan ang pangangailangan ng mahigit 100 milyong Pinoy.
Bumaba raw ang inflation rate sa 5.1 percent mula sa dating 8 percent. Subalit ano ang kabuluhan ng inflation rate na bumaba kung ang presyo ng mga bilihin ay ubod pa rin ng taas para sa mga pinakamahirap na Pilipino? Wala. Ang isang leader ay pinipili at iniluluklok ng mamamayan para pagsilbihan ang taumbayan at hindi upang pasayahin ang mga kaalyadong sumuporta sa kanila noong halalan.
Muli nating narinig ang “bilang na ang araw ninyo” sa labi ni Presidente Bongbong Marcos na narinig na nating sinabi ng kanyang tatay na si Marcos Sr. nang ito ay Presidente pa. This time, ang pinatutungkulan ni Marcos Jr. ay ang mga smugglers ng agricultural products at mga hoarders na nagpapahirap sa mamamayan. Umiiral ang mga iyan dahil may proteksiyon sa ilang humahawak ng tungkulin sa pamahalaan.
Sa halip magbigay ng paniniyak na “bilang na ang araw ng mg smugglers at hoarders, unahing usigin at ipakulong ang mga tiwaling opisyal at tauhan ng pamahalan na padrino ng mga kriminal. Ipatupad ang matibay na political will at kastiguhin nang tama kahit pa kaalyado ng gobyerno.