(Bahagi ng aking commencement speech para sa Ateneo Senior High School Class of 2023)
Sino sa inyo ang nakasubok nang gumamit ng ChatGPT?
Sinubukan ko ito para tingnan kung tama ba ang kanyang pakahulugan sa “Lux in Domino.”
Ayon kay ChatGPT, “Ito ay isang Latin phrase na sa Ingles ay ‘Light in the Lord’ o liwanag sa Panginoon. Kung ilalagay ito sa konteksto ng pananampalataya, sabi ni ChatGPT, ang tunay na karunungan at kapayapaan ay nagmumula sa koneksyon sa Panginoon. Pero sabi rin nito, hindi umano opisyal na motto ng Ateneo ang ‘Lux in Domino.’ Ipinahahayag lang daw nito ang layunin ng unibersidad na humanap ng kaalaman sa isang spiritual framework.
Ang tanong, pasado ba si ChatGPT kay Fr. Bobby Yap (President, Ateneo de Manila University)? Tama ba yung sinabi nito? Sabi ni Fr. Bobby, bagsak ang ChatGPT dahil totoong official motto ng Ateneo ang “Lux in Domino.”
Malamang nagtataka kayo kung bakit ang isang mamamahayag ay nagbabahagi sa Gen Z ukol sa artificial intelligence. Una, bukod sa pandemya, ang AI ay isa sa mga mahahalagang pagbabago sa inyong henerasyon.
Pangalawa, bilang isang Blue Eagle, magandang pagnilayan kung paano kayo makagagawa ng pagbabgo at kabutihan sa mundong pinatatakbo ng AI.
Ang mundo ninyo ay unti-unting nagiging digital. Araw-araw, may sumulsulpot na bago at mas pinaganda pang AI apps. Lumang tugtugin na nga kung tutuusin ang ChatGPT.
Katulad ng lahat ng bagay, may mga kabutihang dulot ang AI. Mas mura at hindi napapagod ang AI.
Pero, wala pa tayong lubos na ideya sa mga kahinaan at pinsalang maaaring idulot nito dahil isa itong uncharted territory para sa ating lahat. Pero, eto na ang inyong mundo, ang inyong kinabukasan. 'Yun nga lang, hindi natin alam kung anong uri ng mundo ang inyong kahaharapin paglipas ng mga taon.
Anong mangyayari kung AI na ang mangunguna? Posible bang mawalan ng saysay ang ating pagiging tao?
Halimbawa na lang sa aking industriya, ang media?
Sabi ni Kristian Hammond, propesor ng Computer Science sa Northwestern University at Direktor ng The Center for Advancing Machine Intelligence, 90% ng balita ay isusulat na ng mga makina sa loob ng 15 taon.
Sa Hollywood kung saan ang scriptwriters ay kasalukuyang nag-aaklas para humingi ng karagdagang sahod, sinusubukan na ng mga network ang paggamit ng mga script na sinulat ng AI. Sabi ni Justine Bateman, isang dating aktres at isa ring coder na nagtapos ng Computer Science, maging ang mga aktor ay nanganganib ding mawalan ng trabaho dahil sa AI. Uso na kasi ang digital scanning sa Hollywood. Kung ang isang aktor ay sumailalim sa digital scanning, ang kanyang mukha at boses ay magagamit na upang makagawa ng mga pelikula.
Sa Pilipinas, ang aking fearless forecast ay ito: sa susunod na taon, ang AI ay magagamit na para gayahin ang boses ng mga tulad kong broadcaster. Maaaring maging ang aming mga mukha ay magaya na rin para palabasing ako ang nagbabalita, pero isa lang talaga itong digital version ko.
AI at ang kabataan ngayon
Pero ilapit muli natin ang epekto ng AI sa kasalukuyang konteksto.
Sa pag-aaral, ang pinakalantarang masamang epekto ng AI ay natutukso kang maging tamad at mandaya. Likas naman sa tao ang humanap ng pinakamadali at mabilis na paraan. Pero habang napapadali ng teknolohiya ang ating buhay, nag-aalala ako na ang AI ang magdudulot ng pagbagsak ng sangkatauhan.
Bakit? Ang mga tao lang ang may kakayahang masaktan, magmahal at mangarap. Kung AI na lang ang mag-iisip para sa atin, hindi na natin mapalalawak ang ating imahinasyon. Dahil sa angkin nating pagkamalikhain, natututo tayong mangarap, umasa at magmalasakit dahil nailalagay natin ang ating sarili sa kalagayan ng iba.
Kaya masasabi ko na AI ang magdudulot ng katapusan ng sangkatauhan. Kahit pa tao rin ang may gawa nito at malaking tulong din ito, malaki ang potensiyal nito na ilayo tayo sa mga bagay na nagpapakita ng ating pagkatao.
Nang unang lumabas ang internet, nilayon nitong mapalapit ang mga tao kahit nasaan pa sila. Pero kabaliktaran ang nangyayari. Napaglalayo na tayo ngayon ng teknolohiya. Sabi nga sa Ingles, “We are physically present, but emotionally absent.” Lahat nakayuko sa kani-kanyang phone, kahit na magkakatabi lang ang isa’t-isa.
Hindi lang nakalulungkot ito, maituturing itong isang krisis. Humahantong ang pagiging mapag-isa sa mga problema -- emotionally at psychologically.
Nang magsimula ang COVID, tuloy-tuloy na ang pagtaas ng mental health disorders sa mga kabataan. Batay sa pag-aaral, nag-uugat ang mga isyung ito sa pagpapalaki sa kanila. Malaki rin ang ambag dito ng ilang taong lockdown kung saan ipinagkait sa inyong henerasyon ang pakikihalubilo o socialization.
Bagkus, nasanay ang inyong henerasyon sa online interaction kaysa sa totoong buhay na shared experiences. Kaya hindi na nakapagtataka na mas maraming kabataan ang nag hahanap ng emotional support online, sa halip na sa real world.
Ang chatbots ay nagiging virtual companions at best friends ngayon. Sa US, dumarami na ang mga tao at maging mga bata na sumasangguni sa AI companionship apps para mapunan ang kanilang pangangailangan sa emotional security at validation. Sa ibang bansa katulad ng Italy, ipinagbawal na ang chatbots na nag-aalok ng virtual friendship services dahil nalululong na sa mga ito ang mga taong emotionally vulnerable, tulad ng mga senior citizen at maging mga bata. Napakalungkot isiping ang mga bata ay nakahahanap ng emotional support sa AI at online, sa halip na sa kanilang mga pamilya at kaibigan.
Pagpapahalaga sa tao, hindi sa teknolohiya
Isang bagay ang sigurado ako. Kahit gaano pa ka-advanced ang AI, hinding hindi nito mapapalitan ang pakiramdam at kaalaman na dulot ng tao dahil ito nga ay artificial. Hindi maibibigay ng mga chatbot at virtual friends ang tunay na pag-aalala, nagagaya lamang nila ito. Kahit kailan ay hindi nito makakayang makiramay dahil hindi nito naranasang maging tao at magkaroon ng emosiyon.
Ang AI at teknolohiya ay walang kakayahang tumagos sa inyong puso at kaluluwa dahil wala sila nito. Hindi nito kayang palitan ang pag-aarugang ibinibigay ng taong nagmamahal sa’yo, lalo na ng iyong pamilya.
Habambuhay nang bahagi ng ating mundo ang teknolohiya, pero huwag sana nating hayaangkontrolin nito ang ating buhay, lalo na ang ating mental well-being. Hayaan lang itong magsilbing kasangkapan para magawa ang mga bagay-bagay. Gamitin ito para mapalakas pa ang kagustuhan mong tumulong sa iba.
Paglipas ng apat na taon o higit pa, tuluyan na nga kayong “bababa sa bundok” o tulad ng sinasabi nating mga Atenista, “you will go down from the hill.” Sa pagtahak mo sa iyong buhay, laging tandaan na pahalagahan ang mga tao, ang iyong pamilya at mga kaibigan, at hindi ang AI o ang teknolohiya. Mahalin at pahalagahan mo ang mga tao sa buhay mo.
Simula ngayon, ugaliin nating maging “present” o “in the moment” para sa isa’t-isa. At ang unang hakbang ay ang pagsantabi sa mga gadget.
Dahil kung hindi, siguro sa loob ng 5 o 10 taon, wala nang magbubuklod sa ating mga pamilya. Lalo lang gugulo ang ating magulo nang lipunan dahil hindi na nagkakasundo ang mga pamilya, at lalo ring dadami ang mga taong may depresyon o mas pinipiling mapag-isa.
Kaya naman, dear graduates, inuulit ko, iwasang isaalang-alang ang inyong mga relasyon para lang sa mga gadget at makabagong teknolohiya. Sulitin natin ang bawat oras para gumawa ng mga alaala. Magsilbi kayong lakas at safe space ng bawat isa.
Nang sa gayon, malugmok man kayo o mawalan ng pag-asa, siguradong may masasandalan kayong matatag na support network na tutulungan kayong umahon at muling pag-iigtingin ang inyong sigla para magpatuloy.
“Going down from the hill” for the greater glory of God
Hindi ko na maalala kung sino ang commencement speaker sa aking pagtatapos. Kaya naman, lumipas man ang taon, kalimutan na ninyo ako, pero bitbitin ninyo pa rin ang ilan sa mga ibinahagi ko ngayong araw. Ipinapanalangin ko na sa bawat paghawak ninyo sa inyong cellphone o gadget, o sa bawat paggamit niyo ng AI apps, maaalala ninyo ang aking mensahe. Sa inyong bawat pag-alala ay magawa ninyong bumitaw sa inyong gadgets at simulang namnamin ang bawat sandali kasama ang inyong mga mahal sa buhay.
Habang nilalakbay ninyo ang buhay sa loob at labas ng digital world, ang mga tinahak niyong daan kasama ang inyong minamahal ay ang lagi ninyong uuwian. Tanging ang puso mo lang ang magsisilbi mong gabay, hindi GPS, hindi AI.
Hindi mawawala ang inyong pamilya para suportahan at gabayan kayong maabot ang rurok ng inyong mga pangarap. Pero huwag na huwag ninyong kalilimutan na pumunta sa mga laylayan ng lipunan kung saan mas marami kayong mababagong buhay.
Sikapin ninyong maging parte ng mga layuning may kabuluhan, at gawin ang lahat para sa Panginoon.
Congratulations, Ateneo Senior High School Class of 2023!
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook, YouTube at Kumu (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). You can also follow my social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, Twitter and Kumu. Iparating ang inyong mga tanong at suhestiyon, at sumulat sa editorial@jingcastaneda.ph.