1. Kumain ng mas kaunting pagkain – Maraming mga pag-aaral ang nagpakita na ang pagbabawas sa pagkonsumo ng calories ay nagpapahaba ng buhay. Ayon sa teorya sa pagdiyeta, ang pagkain ng mas kaunting pagkain (20% na mas kaunti) ay maaaring mabawasan ang dami ng pamamaga sa mga daluyan ng dugo at maaaring bawasan ang dami ng mga lason sa katawan. Kahit sa Bibliya, ang pag-fasting at pag-iwas sa ilang mga pagkain ay hinihikayat.
2. Subukan ang Mediterranean Diet – Ang Mediterranean diet ay binubuo ng gulay, prutas, beans, mani at olive oil. Ang mga isda at manok ay kinakain din ng katamtaman. Ipinakikita ng mga pag-aaral na ang mga taong kumonsumo ng Mediterranean diet ay makaiiwas sa sakit sa puso at Alzheimers Disease. Sa katunayan, itinuturing ito ng ilang mga eksperto bilang pinaka-masustansyang diyeta.
3. Piliin ang masustansyang fats – Mayroong dalawang uri ng fats: ang masustansya at hindi masustansyang taba. Ang mga hindi masustansyang taba (saturated fats at trans-fatty acids) ay nagdudulot ng sakit sa puso. Ang saturated fats ay matatagpuan sa mantikilya, creams, at taba ng baboy at baka. Ang trans fats ay matatagpuan sa margarines at cooking oil at mga pagkaing dumaan sa proseso kagaya ng biscuits. Tingnan ang label at subukan bawasan ang pagkain nito. Sa kabilang dako, ang masustansyang fats ay matatagpuan sa mani, abokado at matatabang isda katulad ng salmon, sardines, mackerel at tilapia. Kung mamimili, piliin ang low-fat milk at low fat na mga palaman. Alisin ang mga nakikitang taba bago ito lutuin.
4. Panatilihin ang kalinisan sa ngipin – Ang pagkakaroon ng sakit sa gilagid ay nauugnay sa sakit sa puso at maaaring magpaikli ng buhay. Pinaniniwalaan na ang pamamaga sa gilagid ay nauugnay sa pamamaga rin ng mga ugat sa puso. Ang impeksyon sa bibig ay maaaring humantong sa delikadong impeksyon sa valve ng puso. Mag-toothbrush tatlong beses kada araw. Gumamit ng panlinis ng dila para matanggal ang bakterya sa dila. At mag-floss din araw-araw.