Limampung libong Afghan nationals ang balak patirahing pansamantala sa Pilipinas sa kahilingan ng United States. Ang mga Afghan ay hindi naman talaga matatawag na refugees sapagkat ang mga ito ay mga nagtrabaho sa pasilidad ng U.S. Sa pagbagsak ng Afghanistan sa Taliban forces noong Agosto 2021, ang mga nagtatrabahong Afghans sa U.S. facilities kasama ang kanilang pamilya ay pinahintulutan na makakuha ng special immigration visa sa U.S. territories. Dahil dito, nakiusap si U.S. President Joe Biden sa Pilipinas na pansamantalang makapanatili ang mga Afghans habang isinasagawa ang special nilang visa. Nangako si Biden na sasagutin ng U.S. ang lahat nang gastusin habang nasa Pilipinas.
Ang isyu sa mga Afghans ay humantong sa pag-iimbestiga ng Senado. Nag-file ng resolusyon si Senator Imee Marcos para ganap na malaman ang kahilingan ng U.S. na makapanatili sa bansa ang 50,000 Afghans. Tutol si Imee sa balak na pag-stay ng Afghans dahil sa isyu ng national security. Gusto ring malaman ni Imee kung ang mga Afghans ay lehitimong refugees o mga espiya ng U.S. Tanong ni Imee sa Department of Foreign Affairs (DFA), ang request ba ng U.S. ay napag-usapan na ng mga ahensiya ng gobyerno sa public forum.
Sagot ng DFA, pinag-aaralan pa ang hiling ng U.S. at nasa punto pa lamang ng konsultasyon tungkol sa magiging implikasyon o epekto ng pagpapatuloy sa bansa ng Afghan nationals. Wala pa raw pinal na desisyon ang gobyerno ukol dito. Kung mapagbibigyan daw ang hiling ng U.S. na bigyan ng temporary shelter ang Afghan nationals habang inaayos ang visa ng mga ito, magiging mahigpit ang Pilipinas sa mga papasok sa bansa. Titiyakin din daw na walang maiiwan kahit isang Afghan sakalit may ma-deny sa kanilang special immigrant visa.
Mas maganda kung huwag nang payagan na dito mag-stay ang Afghans at baka makadagdag pa sa problema ng bansa. Maraming pinapasan ang bansa.
Nakapagtataka rin naman na bakit dito pa sa Pilipinas naisipan ng U.S. patuluyin e marami naman silang teritoryo na puwedeng pagdalhan at maging shelter ng Afghans.