Matindi ang sakit sa utak
Isang kaso ito tungkol sa pagpapawalang-bisa ng kasal dahil sa psychological incapacity ng isa sa mag-asawa. Ang isa sa isyung tinalakay ay kung kailangan pa ang katibayan tungkol sa personalidad ng isa sa mag-asawa na ihahain ng isang eksperto. Ibig sabihin, kailangan pa kayang tukuyin ng isang eksperto ang psychological incapacity bilang isang matinding sakit? Ito ang kaso nina Liza at Bert.
Si Liza ay nagtatrabaho bilang Cultural Assistant sa Philippine Embassy sa Madrid samantalang si Bert naman ay naroon para matapos ang kanyang Master’s Degree. Matapos ang ilang beses na paglabas ng dalawa ay kusa nilang iniwan ang kanya-kanyang karelasyon at sila ang nagsamang manirahan sa Madrid.
Nang makatapos sa kanyang pag-aaral ay umuwi sa Pilipinas si Bert para magtrabaho. Lumipas ang dalawang taon at si Liza naman ang umuwi sa Pilipinas para magbakasyon. Doon nila naisipan na magpakasal. Dalawang araw pagkatapos ng kasal, muling bumalik si Liza sa Madrid samantalang naiwan si Bert dahil sa kanyang trabaho.
Habang nagtatrabaho si Liza sa Madrid ay nagkaroon ng kalaguyo si Bert na ang pangalan ay Cely. Nadiskubre lang ni Liza sa cell phone ni Bert ang mga romantiko at malalaswang mensahe ni Cely sa asawa. Kinumpirma ni Bert kay Liza na may relasyon nga sila ni Cely pero nangako rin ang lalaki na agad hihiwalayan ang babae. Pagkatapos noon ay bihira na si Bert umuwi sa kanilang bahay. Nalaman ni Liza na nagpatuloy pa rin si Bert at Cely sa kanilang relasyon at minsan nga ay nagtalik pa ang dalawa sa harap ng ibang tao.
Kinumpisal ni Bert kay Liza ang ginawa at nangako na ihihinto na ang bawal na relasyon kay Cely basta bigyan lang siya ng misis ng isa pang pagkakataon. Plano pa nga nila na pumunta sa Canada na kasunod na madedestino ang babae. Pero hindi masaya si Bert at ang kilos niya ay nagpasama naman sa loob ni Liza na hindi pa rin nakakalimot sa mapait na nakaraan nila.
Pagkaraang ipanganak ang kanilang pangalawang sanggol, hindi na natulog sa isang kuwarto at hindi na muling sumiping si Liza kay Bert. Tuluyan silang nagkahiwalay hanggang sa pati pagbibigay ng suporta kay Liza at mga anak nila ay hindi na ginagawa ng lalaki.
Ayon kay Liza ay hindi naman nagbibigay ng pinansyal na suporta si Bert sa kanilang mag-iina kahit noong nagsasama pa sila. Madalas daw ay wala itong trabaho at natutulog lang sa bahay o kaya naman ay nakalugmok sa depression. Si Liza ang pinababayaan niya na gumawa ng desisyon sa kanilang tahanan. Wala rin siyang pakialam sa kanilang mga anak kahit pa may sakit ang mga ito. Pati mga aktibidades sa eskwelahan ay hindi iniintindi ng lalaki. Minsan ay nasaktan pa nito ang panganay nilang anak dahil lang hindi sumunod sa utos niya.
Bandang huli, nagsampa si Liza sa korte ng petisyon para mapawalang-bisa ang kanilang kasal base sa psychological incapacity at kawalang kakayahan ni Bert na tuparin ang obligasyon niya alinsunod sa batas (Art. 36 Family Code).
Sa paglilitis ay tumestigo si Liza at isinalaysay ang lahat na nangyari sa kanilang mag-asawa. Ang clinical psychologist na si Dra. Rosa de los Reyes ang tumayong testigo at naglabas ng ulat sa kanyang napag-aralan base sa interview na ginawa niya kay Liza at mga anak nito.
Ang konklusyon ni Dr. De los Reyes ay mayroong tinatawag na Narcissistic Personality Disorder si Bert base sa 1) kawalang kakayahan ng lalaki na magtagal sa isang trabaho lalo at hindi ito umabot sa kanyang pamantayan, 2) ang pagsuway niya sa patakaran ng moralidad dahil sa pakikipagrelasyon niya sa ibang babae kahit pa nangako siya sa asawa dahil sa pita ng laman, 3) hindi niya pag-intindi sa karapatan ng kaniyang mga anak at asawa na nangangailangan ng kanyang suporta, 4) ang tahasan niyang pagpapabaya sa kapakanan ng kanyang mag-iina, 5) ang ugali at kilos niya na paggamit sa ibang tao lalo sa kanyang misis, 6) ang mataas na pagtingin niya sa sarili at pagbibigay niya ng espesyal na importansiya niya sa sarili pati ang ugali niya na asahan ang ibang tao na bigyan din siya ng importansiyang ibinibigay niya sa sarili at 7) ang madalas niyang paghingi ng atensyon sa ibang tao.
Pagkatapos ng paglilitis, naglabas ng desisyon ang RTC at dineklarang voib ab initio o umpisa pa lang ay walang bisa na ang kasal nina Bert at Lisa dahil sa psychological incapacity ng lalaki at kawalang kakayahan nito na tupdin ang mga obligasyon bilang isang asawa.
Ang kabuuan daw ng ebidensiyang inihain ay nagpapakita na may personality disorder si Bert at a) may sapat na basehan para sa konklusyon na umiiral na ito bago pa ang kasal nilani Liza, b) permanente ito at matinding nakatatak sa personalidad ng lalaki pati c) seryoso ito at nagpapakita na wala siyang kakayahan na tuparin ang obligasyon niya bilang asawa.
Iyon nga lang ay binaliktad ng Court of Appeals at isinantabi ang hatol ng RTC dahil daw masyadong kampi ang korte sa ebidensiyang isinumite ni Liza pero ang totoo ay hindi naman nakapagsumite ng ebidensiya na talagang matindi at hindi na magagamot ang psychological incapacity ni Bert.
Ayon sa Supreme Court ay mali ang CA. Kinatigan nito ang desisyon ng RTC. Ayon sa SC, ang ebidensiya tungkol sa personalidad ng mag-asawa ay hindi kailangan na patunayan ng isang eksperto. Ang mga ordinaryong testigo na nakakilala sa mag-asawa bago sila nagpakasal ay sapat na para tumestigo sa nalalaman nila tungkol sa mga kilos at pag-uugali ng tinatawag na “incapacitated spouse”. Mula doon ay makapaglalabas na ang huwes ng hatol kung gaano nga kaseryoso ang nasabing kawalang kakayahan ng tuparin ang obligasyon bilang asawa ng may sakit.
Base sa mga testimonya nina Liza at Dr. Delos Reyes ay nag-uugat ang psychological incapacity ni Bert mula sa kanyang pagkabata. Lumaki siya sa isang pamilyang maykaya at nabigyan siya ng sapat na karangyaan o mamahaling kagamitan noong bata pa. Lagi rin siyang pinupuri ng kanyang mga magulang at dahil doon ay sanay siya na nabibigyan ng atensiyon, sakim at mayabang.
Kaya ayon sa korte ay napatunayan ni Liza ang psychological incapacity ni Bert at ito ay taglay na niya bago pa sila nagpakasal pati patuloy itong nanatili. Tama lang na ibalik ang hatol ng RTC na ipawalang bisa ang kasal (Alberto vs. Alberto and Republic of the Philippines, G.R. 236827, April 19, 2022).
- Latest