Nagulat ako sa pahayag ni Pres. Bongbong Marcos Jr. na kinikilala niya na “may mga pang-aabusong naganap at ang sitwasyon ng karapatang pantao ay naging dahilan ng pagkabahala noong nakaraang administrasyon.” Idinagdag din niya, “Ang mga sindikato ay lumakas, yumaman, at mas naging maimpluwensya.” Parang malaman ang pahayag na iyan. Tila kulang na lang sabihin na isang kabiguan ang war on drugs ni dating President Duterte. Ang ginawa lang nito ay ipakita sa tao na kaya ni Duterte gamitin ang kanyang kapangyarihan para magpatakbo ng madugong kampanya kontra droga.
Sa katunayan, marami ang may kaparehong opinyon kay Marcos. Ang pagkakaiba lang ngayon ay masasabi na. At may mga katotohanan na magpapatunay nito. Ang pinakamalaking nakumpiskang shabu (990 kilos) sa kasaysayan ng PNP ay nangyari noong nakaraang taon. Kung naging matagumpay ang kampanya kontra droga ng nakaraang administrasyon, bakit may ganito kalaking nakakapasok pa sa bansa?
May kontrobersiya pa nga ngayon sa pagkakaaresto ng pulis na nahulihan ng droga. Natahimik ang dating PNP chief tungkol dito pero naglabas ng pahayag ilang araw bago ang kanyang pagreretiro. Mapapatunayan nito na ang mga sindikato ay talagang “lumalakas, mas mayaman, at mas maimpluwensya.”
Sinabi ko noon na kung ang United States ay hindi makontrol ang sarili nitong mga problema sa droga, paano masasabi ng isang tao na kaya niyang puksain ang problema sa bansa sa loob ng tatlong buwan. Pinaandaran lang ang tao noong panahon ng kampanya. Ayon kay Marcos, magkakaroon ng ibang paraan ang kanyang administrasyon. Magsisimula ito sa pagtanggal sa mga pulis na sangkot sa iligal na droga.
Dapat simulan na niya sa lahat ng sangkot na pulis kaugnay ang malaking paghuli ng shabu. Sinabi rin niya na hindi siya interesado sa “maliliit na isda”, o ang maliit na nagtutulak ng droga. Libu-libo ang napatay ng PNP noong nakaraang administrasyon na “nanlaban.” Ang nais niyang mahuli ay mga “big boys” o mga supplier, ang mga pinuno ng mga sindikato ng droga, at mga kartel. Nais din niyang pagtuunan ng pansin ang rehabilitasyon para sa mga gumagamit.
Mabuti naman ang kanyang plano. Ngunit tulad ng nakita natin nang paulit-ulit, ang political will ay malaking bahagi sa tagumpay ng anumang pulitikang pangako. Marami pang taon si Marcos para tuparin ang mga pahayag na ito ngunit sa totoo lang, hindi ako naniniwalang mapapawi o mababago man lang ang problema sa droga sa loob ng anim na taon. Ilang dekada na ito nilalabanan ng U.S.. Pare-pareho lang naman ang mga problema natin. Mas malaki lang ang nilalabanang sindikato ng U.S.
Maaaring hindi na natin makita ang mga taong nakabalot ang ulo ng tape at may karatula sa kanilang leeg. Sana ay wala na rin tayong mga kaso tulad ni Kian Delos Santos o Carl Arnaiz, mga tanging kaso kung saan nakulong ang mga pulis na walang habas na pumatay sa kanila. Sana nga ay may mangyari sa paraan na nais ipatupad ni Marcos laban sa iligal na droga. Matagal na ring problema ito.