Utang na loob kilalanin
Mula ito sa blog ni Nick Ortner (isina-Tagalog ko):
Nakaupo ang batang pulubi sa bangketa. May lata ng limos sa paanan niya. Konting barya lang ang laman. Sa karatula niya’y nakasulat: “Bulag ako, pahinging tulong.”
Napansin siya ng dumadaang ginoo. Dinukot nito lahat ng barya sa bulsa at ihinulog sa lata. Tapos, ibinaliktad ang karatula at sinulatan ng ibang mensahe. Dumami ang naglimos.
Nu’ng hapon napadaan muli ang ginoo at nakilala ng bulag ang kanyang yabag. “Sir, ‘di ba ikaw ‘yung nagbago ng karatula ko kaninang umaga? Ano po ba ang sinulat niyo?”
“Parehong katotohanan lang ang sinulat ko,” anang ginoo. “Iniba ko lang ang paglalahad.” Ito ang nakasulat: “Napakagandang araw ngayon. Pero hindi ko nakikita.” Nabatid ng mga dumadaan na dapat sila magpasalamat na nakakakita sila.
Binabago ng pasasalamat ang buhay. Nakakaligaya, nakakalakas ng loob, anang tulang “Ulat Panahon” ni BJ Gallagher (isina-Tagalog ko):
“Magandang araw ang anumang umaga na bumangon ako … palagi ko ‘yan sinasabi. At nagpapasalamat ako sa aking kalusugan. Kumustahin mo ako. Sa pagsagot ko ng ‘Mabuti!’, nagkakatotoo. Nagpapasalamat ako’t napipili ko ang ganyang pananaw.
“Kapag nagka-unos sa buhay, ninanamnam ko ang maginhawang ambon. Kapag dinulutan ng sinag-araw, malugod akong tumitingala para maramdaman sa pisngi. Kapag maulap ang buhay, niyayapos ko ang makapal na suot at nagpapasalamat sa kulimlim na ginagawang misteryo ang karaniwan. Kapag nag-niyebe, dali-dali akong lumalabas, lawit-dila para tikman ang himalang patak.
“Tila panahon ang mga kaganapan at karanasan sa buhay; ito’y nagbabago kahit salungat sa nais ko. Kaya ano pa’ng gagawin ko kundi itamasa sila. May kapanahunan nga sa bawat pakay ng langit. May dalang biyaya ang bawat pagbago ng panahon. At nagpapasalamat ako.”
- Latest