LAGI kong sinasabi, police visibility is job number one. Dapat ang presensiya ng pulis nakikita at nararamdaman.
Kapag ang pulis kalat sa lansangan, mabilis silang rumesponde, madali silang lapitan. Ang mga kriminal magdadalawang-isip muna bago isagawa ang kanilang aktibidades.
Nakikita, mabilis rumesponde, madaling lapitan dito mabubuo ang tiwala ng taumbayan sa kapulisan.
Sa maikling salita, police visibility is crime prevention. Bago pa man mangyari ang krimen, napipigil na agad. Walang puwang ang mga halang ang bituka na gumawa ng anumang kriminalidad.
Kaakibat ng police visibility, importante rin na dapat ang nasa itaas ginagalang, kinakatakutan. Lider na disciplinarian at strikto pero patas at parehas. Tinitingnan niya ang kapakanan ng buong hanay ng kaniyang pinamumunuan.
Hinihiwalay ang mga bugok na itlog sa mga matitino. Pinarurusahan ang dapat parusahan. Binibigyan ng pabuya at inaalagaan ang mga magagaling na pulis at tapat sa serbisyo.
Bilang pinuno, tinitiyak rin niya na mayroong regular na retraining program sa kapulisan nang sa ganun hindi sila pumurol at maging patola sa pagpapatupad ng batas.
Bago na ang hepe ng PNP. Kasabay ng pagkakaluklok sa puwesto kay Gen. Benjamin Acorda ang kanyang panawagan sa publiko at sa media. Suportahan daw ang kanilang institusyon. Tama siya.
Sa kanyang panawagang ito, magiging kabahagi ng solusyon ang BITAG at #ipaBITAGmo. Hindi kami tutuligsa pero magsasalita kami kapag may nakita kaming mali at kakulangan na dapat tuwirin at punuan. Magmamatyag kami sa estilo ng pamumuno ni Acorda.
Totoo, ang bawat lider ay may kanya-kanyang brand of leadership. Pero iisa lang ang template at mandato ng pulisya. Protektahan at pangalagaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga mamamayan.
Mangyayari ito kung ang mga pulis ay madaling lapitan at madaling rumesponde. Paigtingin ang police visibility!