Timbog ang nagtinda sa baby
Ang kasong ito ay tungkol sa paglabag sa Republic Act 9205 at Republic Act 10364 kung saan pinepeke ang mga detalye sa birth certificate ng bata para maibenta ang isang bata, o kaya ay makuha sa iba ang kustodiya ng batang biktima sa kahit anong paraan mula sa mga ospital, clinic, nursery, daycare, evacuation center o kung saanman ang lugar na naglalagi ang mga mahihirap na pamilya para nga magtagumpay na ibenta ang bata.
Ang nangyari rito ay attempted trafficking in person dahil bagaman inumpisahan nila ang balak ay hindi naman nagtagumpay ang mga akusado na magawa lahat ang kailangan para tuluyang matupad ang lahat ng elemento ng krimen. Nangyari pa nga ay tuluyang nagbago ang isip ng iba at hindi na tinuloy ang pakikipagsabwatan para sa kanilang maitim na balak. Ito ang kaso ni Margie (lahat ng pangalan na binanggit ay hindi nila totoong ngalan).
Ang kasong ito ay tungkol kay Annie, isang 7-buwan na sanggol na ang nanay ay si Benilda (hindi niya tunay na pangalan). Dahil sa matinding kahirapan ay iniwan niya ang sanggol sa pangangalaga ni Margie na madrasta ni Lucy.
Isang umaga, sinamahan si Lucy nang kanyang mga kaibigang sina Sonya at Linda, pumunta sila sa Civil Register at nagtanong tungkol sa pagpaparehistro ng kapanganakan ng sanggol na si Annie. Binigyan sila sa Registrar ng blankong papel at pinasulat ang mga impormasyon na kailangan pati na ang marriage contract ng mga magulang ng baby.
Noong hapon ay bumalik ang tatlo na dala ang lisensiya at kasamiyento ng kasal sa U.S. para sa mag-asawang Sonya at Jerry. Di-umano ay kinasal sila doon at nakalagay na parehong puti ang dalawa. Pinasa rin nina Sonya, Lucy at Linda ang lahat ng mga impormasyon na hinihingi tulad ng pangalan ng mga magulang, petsa ng pagpapakasal, pangalan at pirma ni Linda na komadronang nagpaanak sa baby. Matapos noon ay nabigyan ng birth certificate si Annie.
Pero anim na buwan ang lumipas, lumusob ang mga pulis sa paanakan at inimbestigahan ang detalye ng pagsilang ni Annie. Nakatanggap kasi sila ng impormasyon mula sa US Navy Criminal Investigation Service (NCIS) na may posibilidad na pineke ang mga detalye sa birth certificate ni Annie dahil ang mga magulang niya ay purong puti at siya naman ay purong Pilipino.
Napag-alaman ng mga pulis sa clinic na hindi talaga nanganak roon si Sonya kay Annie at taliwas ito sa binigay na impormasyon sa birth certificate. Nalaman din nila mula kay Linda na komadrona kuno sa pagpapaanak kay Annie na nilapitan lang siya ni Sonya at nagpatulong sa pagpaparehistro sa birth certificate ng sanggol. Pumayag naman ang babae. Ipinaalam din ni Linda sa mga pulis na hawak ni Margie na madrasta ni Lucy ang sanggol.
Nang pumunta sa bahay ni Margie ang mga pulis, nalaman nila na nakatakas na si Margie at nakalipat sa ibang tirahan. Pumunta rin sila sa nilipatan ng babae at natagpuan nga ang sanggol na si Annie sa pangangalaga ni Margie. Ayon sa babae ay iniwan ni Sonya sa kanya ang sanggol dahil wala pa ang mga papeles ng baby at kasalukuyan pa nilang nilalakad.
Kaya sina Margie, Sonya, Linda at Lucy ay kinasuhan sa paglabag ng Sec. 4-par. (d & E) ng RA 9208/RA 10364 o mas kilala bilang “Anti-Trafficking In Persons Act” dahil sa pagsasabwatan nila at pagtutulungan para manipulahin ang nilalaman ng birth certificate ni Annie at tuloy ay makuha ang kustodiya ng 7-buwang sanggol para maibenta sa mga banyaga kahit pa magiging kawawa rito ang sanggol. Sina Margie at Linda lang ang naaresto ng mga pulis.
Ayon kay Margie, hawak niya ang kustodiya ng sanggol na si Annie dahil inaantay niya na balikan ni Sonya ang anak. Iniwan lang daw niya sa labas ng apartment ang baby at pagbalik ay wala na roon. Tumestigo rin si Margie na bago nangyari ang insidente ay dumating mula sa bansang Japan sina Sonya at Lucy pati nakitira sa kanyang apartment pero wala na noon si Annie.
Matapos ang paglilitis, napatunayan na nilabag nina Margie at Linda ang batas. Walang pag-aalinlangan na tinangka nila ang pagbebenta sa sanggol (attempted trafficking in persons) at dapat lahng silang makulong ng 15 taon bawat isa pati magbayad ng multa na P500,000. Kinatigan ng Court of Appeals ang hatol ng RTC. Si Margie lang ang umapela sa Supreme Court.
Pero parehas pa rin ang hatol ng SC sa RTC at CA. Ayon sa SC ay kumpleto sa kaso ang lahat ng elemento ng attempted trafficking in persons alinsunod sa Sec. 4- par. (d) & (e).
Una, napatunayan na si Annie ay wala pa sa 15-anyos ang edad nang mangyari ang krimen base na rin sa edad niya sa birth certificate. Ang litrato din ni Annie na inihain sa RTC ay nagpapakita na menor de edad siya.
Pangalawa, tumestigo ang kinatawang ng civil registrar at nagpatunay na nagkuntsabahan sina Sonya at Lucy sa pagrehistro at pagpeke sa birth certificate ni Annie kung saan si Sonya ang pinalabas na ina at si Linda naman ang komadrona. Sina Sonya, Lucy at Linda ang pumunta sa civil register at nagsulat sa mga detalye tungkol sa pagpapaanak kay Annie. Si Linda din ang kusang pumirma sa birth certificate bilang komadrona nang manganak kunwari si Sonya pati sa mga detalye sa health clinic ay ito ang pinalabas nila. Si Margie naman ay umamin na nasa kanya ang kustodiya ni Annie kahit alam niya na hindi naman banyaga ang baby at hindi anak ng mga puti pati Malabo na maging anak siya ni Sonya.
Base sa mga ebidensiya na kinalap at mga salaysay ng mga testigo ay kumilos si Margie pati nakipagsabwatan kina Linda at Lucy para illegal na makuha ni Sonya ang baby at madala sa U.S. kahit pa ang totoong ina nito ay si Benilda.
Kaya si Margie na umapela sa SC ay walang pag-aalinlangan na nagkasala at nararapat na hatulan sa krimen ng attempted human trafficking in person tulad ng pinataw na parusa sa desisyon ng RTC at CA ay dapat siyang makulong ng 15 taon at magmulta ng P500,000.00 (Maestardo vs. People, G.R. 253629, September 28, 2022).
- Latest