Mga pagkaing pampapayat  

NABANGGIT ko sa mga nakaraang kolum ang mga pag­kaing pampapayat na kinabibilangan ng gulay, suha, mansanas, peras, itlog, saging, beans, suka, tofu, green tea, brown rice, wheat bread at high-fiber cereals.

Narito pa ang karugtong ng mga pagkaing pampapayat:

1. Matatabang isda tulad ng sardinas, tilapia, mackerel at salmon.

Ang mga isdang ito ay mayaman sa omega-3 fatty acids­, na tumutulong sa inyong puso at nakabubusog pa. Ayon sa pagsusuri sa Iceland, ang mga taong kumain ng mata­tabang isda ay mas nabusog kumpara sa mga hindi kumain ng isda. Napatunayan din ng mga siyentipiko na mas tumataas ang lebel ng leptin sa katawan. Ang leptin ay isang hormone na nagsasabi sa ating utak na tayo’y busog na.

2. Low-fat milk at yogurt.

Ang gatas ay mataas sa protina, mga vitamin Bs at cal­cium. Kung gusto ninyong pumayat, piliin ang gatas na low-fat o fat-free na mababa sa calories. Ngunit kung kayo ay kabilang sa mga taong nagtatae sa pag-inom ng gatas (may lactose intolerance), puwede ninyong subukan ang yogurt. Mababa sa taba, calories at asukal ang yogurt. May sangkap pa itong healthy bacteria tulad ng lactobacilli na makatutulong sa pag-iwas sa ulcer at kanser sa sikmura.

3. Oatmeal.

Ang isang tasang oatmeal sa araw-araw ay makapagpapababa ng iyong kolesterol ng 10%. Ang oatmeal ay may beta-glucan, isang klaseng fiber na tinatanggal ang kolesterol sa katawan at inilalabas ito sa dumi. Dahil sa fiber, madaling makabusog ang oatmeal.

4. Manok at turkey na walang balat.

Sa lahat ng mga karne, ang manok at turkey ang may pinakamababang taba sa kanilang laman. Ang pato at duck (tulad ng Peking duck) ay may maraming taba kumpara sa manok at turkey. Kung gusto pa lubusang tanggalin ang taba, alisin ang balat ng manok bago ito kainin. Mas mainam din ang roasted o steamed chicken kumpara sa pinirito sa mantika.

5. Laman ng karne paminsan-minsan.

Puwede namang kumain ng karneng baboy at baka paminsan-minsan. Mas madaling alisin ang taba ng baboy dahil nakahiwalay na ito sa laman. Pero ang taba ng baka ay nakasingit sa laman kaya mahirap itong alisin. Kung kayo ay bibili ng baka, piliin ang mga parteng sirloin, chuck, loin at round beef. Sa baboy naman, piliin ang tenderloin o loin chops. Tanggalin din ang lahat ng nakikita ninyong taba bago ito lutuin.

6. Tubig.

Ang tubig ay walang calories at hindi nakatataba. Uminom ng 1 basong tubig bago kumain para medyo mabusog na kayo. Uminom din ng 8-10 basong tubig sa maghapon lalo na kung kayo ay nagdidiyeta.

Show comments