KUNG mahina man ang kampanya ng Land Transportation Office (LTO) sa mga naglilipanang open muffler ng mga motorsiklo, dapat pakilusin ni Police Regional Office-6 Provincial director MGen. Leo Francisco ang mga municipal police office sa kanyang nasasakupan ora mismo! Rindido na ang mga residente na halos hindi na makatulog sa ingay na dulot ng mga mayayabang na motorcycle riders na humaharurot tuwing dis-oras ng gabi.
Kung hindi mapagtuunan ng pansin ng kapulisan ang mga open mufflers na motorsiklo sa Iloilo, Aklan, Antique, Capiz at buong Negros provinces tiyak na pagsisimulan ito ng road rages na hahantong sa kriminalidad. Marami sa motorcycle riders ang walang lisensiya kaya pag naaksidente ang mga ito tiyak na kalaboso pa ang hahantungan.
Okey namang gumamit ng motorsiklo ang ilang kababayan pero i-check sana ang mga motorcycle o tricycle na bumabagtas sa national highway dahil karamihan sa mga ito ay mga pundido ang mga ilaw o di kaya’y nanggigitata sa dumi at halos hindi na maaninag sa kadiliman. Kung aasahan lamang ang kampanya ng PNP-Highway Patrol Group laban sa mga open mufflers at kolorum na mga tricycle sa pagputi pa yata ng uwak sila makikita sa kalye. Hehehe!
Kaya nararapat bigyan ng aksyon ni Gen. Francisco ang matagal nang problema sa Western Visayas Region at maging sa Negros provinces. Kilos na Gen. Francisco, Sir. Ang kaligtasan ng mga Ilonggo ay nasa kamay mo!
Samantala, nananawagan naman ang mga naghihikahos na fishpond raiser (magpupunong) sa Capiz kay President Ferdinand Marcos Jr. na personal na kausapin ang mga henyong opisyales ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) hinggil sa superhigpit na ipinaiiral sa pag-aangkat ng similya ng alimango (crablets) na nagmumula sa Samar, Catanduanes, Daet, Sorsogon, Cagayan at Apari.
Kailangan na nilang mag-angkat ng crablets na maipupunla sa kanilang mga palaisdaan. Kulang sa pag-aaral ang kampanya ng BFAR sa pagta-transport ng mga similya na nagmumula pa sa Luzon at Eastern Visayas.
Ang Capiz ay wala nang breading ground ng mga isda at seafoods dahil sa talamak na dynamite fishing na napabayaan ng mga nagdaang administrasyon kaya umaasa na lamang sila sa pag-aangkat ng similya ng alimango sa naturang mga lalawigan. Ang sugpo at bangus ay nagmumula pa sa Aklan at Iloilo kaya malaki ang kanilang ginagastos bago magkalaman ang kanilang mga palaisdaan.
Kapag nagkaroon ng hatchery sa Capiz tiyak na hindi na aasa pa sa pag-angkat ng mga similya sa malalayong lugar. May hinala na pera-pera lamang ang kampanya ng BFAR sa mga crablets dealers kaya hinaharang nito ang mga biyahero. Abangan.