EDITORYAL - Reklamo aaksiyunan sa loob ng 72 oras
MAGANDA itong naisip ng Office of the Executive Secretary’s Strategic Action and Response Office at Anti-Red Tape Authority (ARTA) na aaksiyunan sa loob ng 72 oras ang anumang reklamo ng mamamayan laban sa mga ahensiya ng gobyerno. Nagsanib puwersa ang dalawang tanggapan para mapaigting ang pagsisilbi sa mamamayan. Hangarin ng dalawang tanggapan na mapabilis din ang pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan.
Ayon kina Strategic Action and Response Office Undersecretary Rogelio Peig II at ARTA director general Secretary Ernesto Perez, sa nilagdaan nilang kasunduan, titiyakin nilang ang mga irereklamong public officials ay mananagot. Hindi umano maaaring balewalain ng mga opisyal ang reklamo at dapat nila itong sagutin at solusyunan sa loob ng 72 oras. Kapag hindi nila tinugunan, sasampahan ng kaso ang erring public official.
Sa ilalim ng MOA (memorandum of agreement), ang government agencies ay bibigyan ng 72 oras para sumagot at ang 8888 Citizen Action Center (CAC) ang aakto sa complainant.
Sabi ni Perez, kapag walang response sa government agency, ang Anti-Red Tape Authority ang mag-iimbestiga at kapag napatunayang hindi ginawa o umaksiyon ang ahensiya, kakasuhan sila sa Office of the Ombudsman o ng Civil Service Commission.
Kabilang sa mga tatanggaping reklamo ay may kinalaman sa graft and corruption at ang mabagal na proseso ng mga hinihinging papeles sa tanggapan ng pamahalaan at ang mga humihingi ng assistance.
Ayon naman kay Peig, ang kasunduan ay may layuning maging conscious ang mga public officials at maging responsable lalo na sa pagbibigay ng tulong sa mamamayan. Ang mga nagtatrabaho sa pamahalaan ay dapat nasa puso ang pagsisilbi sa taumbayan.
Kapaki-pakinabang ang pagsasanib ng dalawang tanggapan para mapaglingkuran ang mamamayan. Harinawang tumupad o tumalima ang mga nasa tanggapan ng pamahalaan para paglingkurang ganap ang mga nangangailangan. Hindi sana ito mauwi sa ningas kugon.
- Latest